Mga magsasaka ng Luisita sumugod sa SC

MAITUTURING umanong pinakamatinding pagtataksil ang naging desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng Hacienda Luisita. Ito ang sigaw ng mga magsasakang galit na nagmartsa patungong Korte Suprema kasama ang militanteng grupong Anakpawis upang kondenahin ang naging desisyun ng Korte sa nasabing kaso.

Nagkaroon pa ng tensyon kanina, Miyerkules, nang ipilit ng mga nagsisipagprotesta na makalapit sa gusali ng Korte Suprema.

Kinondena rin ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang desisyon ng Kataas-taasang Hukuman na pumabor sa pagbasura ng Presidential Agrarian Reform Council sa Stock Distribution Plan ng Hacienda Luisita.

Sa nasabi ring desisyon, nakasaad na inataaasan ang Department of Agrarian Reform na magdaos ng referendum kung saan papipiliin ang mga farmer beneficiary kung nais ba nila ng bahagi ng lupain sa hacienda o magkaroon ng shares of stocks sa korporasyon nito.

Sa isang pahayag, tahasang tinukoy ni KMP Secretary General Danilo Ramos na naduwag ang Korte Suprema sa kanilang desisyon at naging instrumento rin ito ng panloloko, panggigipit at pang-aabuso.

Naghihinala rin ang KMP na naimpluwensyahan ng Malakanyang ang Korte Suprema sa naging desisyon nito.

Sinabi ni Ramos na ang pasya ng Korte Suprema na magdaos ng referendum ay walang pagkakaiba sa referendum na niluto umano ng mga Cojuangco at Aquino noong 1989 at noong Agosto 2010.

Idinagdag pa ni Ramos na iyon ay bahagi ng grand design ng mga Cojuangco at Aquino na makaiwas sa land distribution.

Dahil dito, naniniwala si Ramos na hindi mawawakasan ng nasabing desisyon ang may kalahating siglo nang sigalot sa Hacienda Luisita at maaari pa itong maghudyat ng panibagong kaguluhan sa hacienda.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply