Mga obispo dadalo sa Senate hearing ng PCSO fund scam

TINIYAK ng Simbahang Katoliko na dadalo sa Senate hearing bukas, Miyerkules, ang mga obispong inaakusahang tumanggap ng mga sports utility vehicle (SUV) mula kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo gamit ang pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Kabilang sa mga kumpirmadong dadalo sa Senate hearing ay sina Cotabato Archbishop Orlando Quevedo, Butuan Bishop Juan de Dios Pueblos, Bangued, Abra Bishop Leopoldo Jaucian, Bontoc-Lagawe Bishop Rodolfo Beltran, Basilan Bishop Martin Jumoad at Zamboanga Archbishop Romulo Valles.

Si Quevedo umano ang magiging tagapagsalita ng grupo sa nasabing pagdinig.

Ayon kay Quevedo, nagpasya silang dumalo sa pagdinig dahil nais nilang maibigay ang kanilang panig at masagot ang mga katanungan sa isyung ibinabato laban sa mga obispo.

Nagpahayag naman ng pagtataka si Quevedo kung bakit pilit na idinadawit sa iskandalo ang mga obispo gayung lehitimo ang tulong na ibinigay ng PCSO.

Nagpahayag din siya ng pagkalungkot dahil hindi umano naiuulat ang mga paliwanag nila.

“We are going to attend to be able to shed light on questions and issues involved. We wonder why this is happening. Why we are being accused of something that is seem very legitimate. Why our statement is not being reported even though clarifications are being made in the press yet still old accusations continues?” ani Quevedo sa isang panayam sa  church-run Radio Veritas.

Suportado ang mga inaakusahang obispo ng kanilang kapwa obispo na naniniwalang malinis ang kunsyensya ng mga ito nang tanggapin ang donasyon sapagkat ang mga sasakyan ay ginamit sa paghahatid ng serbisyo sa mga mamamayan.

Ayon kina Pampanga Archbishop Paciano Aniceto, Baguio Bishop Carlito Cenzon, Balanga Bishop Ruperto Santos, at Novaliches Emeritus Teodoro Bacani, panahon na para burahin ang mga kasinungalingang naglalabasan sa usaping yumanig sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).

Tiniyak ng mga ito na ipananalangin ang kanilang mga kasamahan upang lumabas ang katotohanan at tuluyang malinis ang kanilang pangalan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply