Mga sundalo ng Divisoria

SA Divisoria, lahat ng klaseng tao ay makakasalamuha mo magsi-mula sa negosyante, mamimili, tindera, tsuper, pahinante o kargador, manloloko, isnatser at iba pa. Nasasakupan ito ng Manila Police district (MPD) stations 2 at 11. Matagal nang problema rito ang mga nagtitinda sa kahabaan ng C.M. Recto mula Reina Re-gente hanggang sa R-10 dahil sa hindi na ito madaanan ng mga sasakyan.

Noon, nadaraanan ito ng mga sasakyan mula umaga hanggang gabi pero ngayon ang mga sasakyang mula Cubao o Monumento ay hanggang Reina Regente na lang dahil sa puno na nga ang kalye ng mga nagtitinda na hindi kayang itaboy ng mga pulis. Dahil ba ito sa tinatanggap na parating (payola) ng mga hepe ng pulisya at mga tauhan ng mga ito?

Ayon naman sa mga pulis, hindi lang naman sila ang nakikinabang sa lagay na ibinibigay ng mga nagtitinda. Maging ang mga opisyal ng Manila City Hall na malalapit umano kay Mayor Alfredo Lim.

Korek! Maging ang mga taga-city hall ay may taga-ikot din sa Divisoria para maningil ng mga lagay mula sa mga nagtitinda. Subalit  hindi lang ang mga nagtitinda ang salot sa Divisoria
partikular sa Reina Regente.

Mas salot ang mga snatcher na namimitas ng hikaw ng mga pasahero ng jeep. Magugulat na lang ang mga pasahero dahil bigla na lang may hihila sa hikaw na nakakabit sa kanilang tainga. Ginagawa ito ng mga halang ang kaluluwa kahit may pulis na nagmamando ng trapiko sa lugar.

Natural, walang magawa ang biktima dahil hindi naman niya nakita ang humablot ng kanyang hikaw dahil nakatalikod siya at mabilis ang pangyayari. Dumaan man sa harap ng pulis ang walanghiyang miyembro ng pitas hikaw gang ay hindi naman niya ito papansinin. Magreklamo man ang biktima wala naman siyang maituturo dahil hindi naman niya namukhaan.

Kilala ang mga ito ng ilang tsuper kaya naman nagbibigay ang mga ito ng babala sa kanilang mga pasahero. Hindi kaya sila kilala rin ng mga pulis? Ang masakit, ayon sa ilang nagtitinda, kilala rin nila ang mga snatcher na ito lamang ay hindi nila maituro dahil ayaw nilang buweltahan sila o gantihan dahil marami sa mga ito ay kilala t alaga ng mga pulis.

Isa pang modus operandi naman sa Divisoria ay ang pagtitinda ng mura ng mga branded na dish washing liquid, rinsing liquid  at iba pa na pawang mga peke pala.

Mabuti kung kikilos ang tanggapan ni Mayor Lim upang mabigyan ng puwesto ang mga nagtitinda sa C.M. Recto na nag-sisilbi ring kanlungan ng mga snatcher na mabilis na nakikihalubilo sa mga mamimili at nagtitinda kaya’t hindi na makilala ng humahabol na biktima.

Nais po ninyong ibahagi ang karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya at pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari po kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi _lean11@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply