Ms. Margie, ambulansiya, punerarya…ang kailangan

HABANG nag-aaway-away sina PCSO Chairman Margie Juico, mga kongresman, mga gobernador at mga obispo ukol sa ambulansiya, salapi, gamot at pagpapa-ospital, dapat sabay na nakatuon ang kanilang mga mata sa nagaganap sa paligid.

Tama na magkalkalan ng baho ang mga hinayupak na ito para malinis ang pamahalaan sa korapsyon, pero hindi nila dapat na kalimutan ang nangyayari sa mamamayan. Lalo’t ang kanilang mga pinag-aawayan ay may kaugnayan sa buhay ng mamamayan.

LANDSLIDE SA BUKIDNON

Magkasunod ang mga landslide na naganap sa Valencia, Bukidnon.

Noong una, may namatay na lima at natabunan ng putik.

Sa ikalawang landslide, umakyat ang bilang ng mga namatay sa walo. May nawawala pang 8-10 katao. Ano ngayon ang pupuwedeng gawin ng mga taga-PCSO, mga kongresman, mga gobernador at obispo sa ga-nitong mga pangyayari?

Yang mag-away-away at magturuan lang sa pagiging kawatan ng isa’t isa?

Anak kayo ng mga korap!

MAHIGIT 30 PATAY SA ONDOY SA DAVAO

Hindi natin tatalakayin ang nangyari kina Mayor Sara Duterte at Sheriff Abe Andres.

Bahala na ang mga kinauukulan na ayusin ang problema ng dalawang ito.

Kung mayroon man tayong masasabi, may karapatan ang isang mayor na pakinggan maging ng hukuman lalo na kung nasa gitna ng kamatayan at kawalan ng masisilungan ng mamamayan ang pinag-uusapan.

Pero andiyan nga ang mala-Ondoy na naganap sa limang barangay sa Davao City.

Tanong uli: ano-ano ang ginagawa ng PCSO, mga kongresman, mga gobernador at mga obispo ukol dito? Magkakalmutan at higit pa sa sapakan na naganap sa Davao dahil sa korapsyon?

PAGPAPATAYA NG LOTTO ‘DI SOLUSYON

Sa parte ng PCSO, siyempre pa, hindi ang pagpapataya ng Lotto ang kasagutan sa mga problemang ganito. Paano makatataya sa Lotto ang patay nang tao?

Ang kailangan dito ay mga ambulansiya, pondo ng PCSO, gamot, pampa-ospital at pampunerarya na rin.

O Chairman Juico, kung naiisipan ho ninyo ang mambulabog sa mga kongresman, gobernador at obispo, ano naman ang naiisip ninyo para sa mga biktima ng baha at landslide?

Anomang reklamo ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM, www.remate.ph o itawag sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply