Muling pagtaas ng presyo ng kuryente nakaamba

NAKAAMBA na naman ang pagsirit sa bayarin sa konsumo ng kuryente sa susunod na tatlong buwan, ayon sa Energy Regulatory Commission (ERC).

Ayon kay ERC executive director Francis Saturnino, ang pagtataas sa singil sa kuryente ay dahil sa petisyon ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corp. (PSALM) na taasan ang singil ng universal charges.

Sa petisyon ng PSALM na inihain noong nakaraang Hunyo 28, hinihiling nito ang pagkakaroon ng pansamantalang awtoridad upang mangolekta ng universal charge para sa stranded contract costs at stranded debts ng National Power Corp.

Nabatid na kung maaaprubahan ng ERC ang nasabing petisyon ay posibleng 39 sentimos kada kilowatt-hour ang madadagdag sa singil sa kuryente.

Bukod dito nakaamba naman ang power shortage dahil sa kakulangan ng power supply sa Luzon.

Ayon sa Department of Energy (DOE) posibleng paputul-putol ang magiging suplay ng kuryente sa mga susunod na araw.

Sinabi ni Energy Secretary Jose Rene Almendras, ang nasabing shortage ay bunga ng mataas na demand sa kuryente.

Pinayuhan ni Almendras ang publiko na mas makabubuti kung paiiralin ang pagtitipid lalo na sa mga heavy industrial at retail power consumer.

Binigyang-diin pa nito na ang 10 porsiyentong kabawasan sa paggamit ng kuryente ay makatutulong upang makatipid ng P59 bilyon.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply