Na hindi ninakaw ang pera

TINALAKAY na natin sa nauna nating kolum ang mga paunang tanong na lumabas sa unang araw pa lang ng imbestigasyon noong Lunes, pero sa pagpapatuloy ng hearing sa Senado kahapon, wala pa ring malinaw na mga sagot sa mga tanong na yun.

Ang mga Senador na nag-iimbestiga ay hindi kuntento sa sagot ng mga iniimbestigahan.

Ang mga tao ay magdududa at naghihinala na inabuso nga ang kaban ng PCSO.

Nais man nating bigyan ng benefit of the doubt ang mga kasalukuyang iniimbestigahan ng Senado, tulad ni GM Uriarte na mahinahon at magalang pa kung sumagot, mahirap maalis ang pagkainis natin sa mga tanong na hindi deretsahang masagot na parang pinaiikot lang ang mga nagtatanong at mga nanonood.

Halimbawa, sa tanong ng mga senador kung sino ang mga miyembro na nagplano, gumasta, at nag-liquidate ng intelligence funds ng PCSO na umabot daw sa halos P150 milyong piso na ginasta sa loob lamang ng 7 buwan, ang sagot ng GM ay siya, siya at sya lang daw.

Hindi klaro sa board of directors ng PCSO ang extent ng paggamit ng intelligence funds, dahil “medyo” hindi nila alam kung paano ito ginasta at diretso raw kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo nagre-report si GM.

Kaya tuloy ang nasa puso ng tao ngayon ay inabuso na naman ang pera ng bayan.

Ang pera ng PCSO na para sana sa mahihirap, mga maysakit, at yung mga higit na nangangailangan ay ginamit sa isang intelligence operations ng PCSO na si GM Uriarte lang ang nakaaalam ng detalye sa halagang daang milyong piso na si GM Uriarte lang ang makapagsasabi kung paano at saan ginasta.

Kung tayo ang nakaupo sa Komite ganundin ang mga tanong natin – kung paano mapatutunayan ng mga dating opisyal ng PCSO na hindi nila inabuso ang pera ng korporasyon at ginasta talaga ang mga milyong pisong iyon para sa kapakanan ng ating mga kababayan.

Kaya ang dasal ko na lang ay sana malinawan ang lahat, maipaliwanag ang totoong pinuntahan ng pera at masabi sa atin ni GM, at iba pa, na hindi ninakaw ang pera.

Mag-text po kayo sa akin sa 09209280847 o mag-email sa: ariel.inton@gmail.com. Mahalaga sa akin na malaman ang inyong saloobin at opinyon tungkol sa isyung ito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply