Nag-ulat si PNoy sa boss niya sa wikang pambansa

TINOTOO ng Malakanyang ang pagbigkas nang buong-buo ng Pangulong Benigno Aquino III ng kanyang pangatlong ulat sa bayan sa taong ito sa wikang pambansa (Tagalog o Filipino).

Sa ilalim ng Seksiyon 23 ng Artikulo VII ng Konstitusyon ng Pilipinas ay ipinag-uutos sa Pangulo na magsalita sa harap ng Kongreso sa bawat pagbubukas ng pangkaraniwang sesyon ng Kongreso upang mag-ulat sa kalagayan ng bansa.

Ang pagharap ng Pangulo kahapon sa Kongreso ay pangatlo niyang pag-uulat sa bayan. Ang una ay sa pagbubukas ng Kongreso may isa nang taon na ngayon ang nakararaan at ang ikalawa  ay ang kanyang ulat sa bayan sa unang anibersaryo ng kanyang pag-upo bilang Pangulo.

Ginawa ng Presidente ang pag-uulat sa harap ng magkasanib na pulong ng mababa at mataas na kapulungan ng Kongreso.

Ang talumpati na sinulat mismo ng Pangulo, sa tulong ng kanyang mga kalihim sa estilong konbersesyunal o parang nakikipag-usap lamang ay tumagal ng nasa 55 minuto.

Sinabi ni Sec. Sonny Coloma na pinagamit ng Malakanyang ang mga dayuhang panauhin ng headsets para sa automatikong pagliliwat o pagsasalin sa English ng diskurso ng Pangulo.

Sinabi niyang gaya ng halos lahat ng kanyang mga talumpati, Tagalog ang ginamit ng Pangulo sa kanyang SONA (State of the Nation Address) upang, bukod sa pagtatampok ng wikang pambansa, maabot ng kanyang mensahe ang mas maraming tao, lalo na ang mga kabataan.

Naniniwala ang kolum na ito rito pagkat sa tulong ng peryodiko, radio at telebisyon ay halos lahat ng mga mamamayang Pilipino ngayon ay nakapagsasalita na ng Tagalog o Filipino.

Kaya’t kung mayroon mang mabubuting nagawa ang Pangulo sa loob ng isang taon niyang panunungkulan ay isa na rito ang kanyang pagkilala, pagpapahalaga at pagpapalaganap ng isang wikang pambansa base sa Tagalog o Filipino.

Karaniwang itinatanong  ay kung ano ang pagkakaiba ng salitang Filipino sa Pilipino at ng dalawang ito sa salitang Tagalog.

Ayon sa Konstitusyon o Saligang-Batas ng 1986 ang Filipino ay tumutukoy sa wikang pambansa (Seksiyon 6, Artikulo, XIV) samantalang tumutukoy naman ang Pilipino sa mamamayang Pilipino.

Ang Tagalog naman ay tumutukoy sa pinakamalaganap na wikang sinasalita ngayon sa buong bansa o tumutukoy sa mga taong isinilang at lumaki  sa Maynila at mga karatig-lalawigan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply