Namatay na isda sa fishkill ilibing– BFAR

INIUTOS ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Director Asis G. Perez sa mga may-ari ng fish cages na nagkaroon ng fishkill na ilibing ng maayos ang mga isda upang hindi pagmulan ng sakit.

Ani Perez, mababa pa rin ang lebel ng dissolved oxygen sa katubigan ng Berinayan, Leviste, Busu-buso at Bañaga sa Laurel; at Manalaw at Bilibinwang sa Agoncillo kaya posible pang muling magkaroon ng fish kill.

Gayunman, maayos na umano ang tubig sa Talisay partikular sa Aya, Quiling, Tumaway, Sampaloc at sa Poblacion San Nicolas.

Gayunman, kailangan pa rin umaong ilibing ng maayos ang mga patay na isda, lalo pa kung napakarami nito.

Batay sa mga fish expert, ang mga patay na isda ay naglalabas ng nitrogen at phosphorous sa tubig kapag nabubulok na.

Kinakain ito ng mga phytoplankton na natural na naninirahan sa tubig, na nagiging sanhi naman upang pumangit ang kalidad ng isda.

Gayunman, may mga klase ng phytoplankton tulad ng Microscystis o blue-green algae na nagiging sanhi naman upang maglasang-“gilik” ang isda.

Binibili pa rin umano ang mga isdang lasang gilik ngunit mababa naman ang presyo ng mga ito.

Ani Perez, masisira ang pangalan ng mga isdang Batangas na kilala sa sarap at linamnam kung magiging ganito ang kalidad ng kanilang isda.

Tuloy ang pagmomonito ng BFAR sa tubig ng 14 na istasyon sa Talisay, Laurel, Agoncillo at San Nicolas sa loob ng 39 na araw, mula pa nang magkaroon ng maramihang fishkill noong Mayo.

Inaasahang may mangilan-ngilan pa ring fishkill na mararanasan sa loob ng dalawa pang linggo.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply