Namumungang puno makabubuti sa kalikasan, kabuhayan

MALAKING tulong na isama ang mga namumungang puno sa reforestation efforts ng pamahalaan sa ilalim ng National Greening Program (NGP) na parehong mabuti para sa kalikasan at kabuhayan.

Naniniwala si Environment Secretary Ramon J.P. Paje na bukod sa nakatutulong ang pagtatanim ng mga namumungang puno sa kabuhayan ng upland farmers, nahihikayat din nilang hindi dumepende ang mga ito sa mga punong nasa mga kagubatan para lamang matugunan ang kanilang pangangailangan.

“Kapag ang tingin ng ating mga upland farmers sa punong kahoy ay panggamot kung may sakit ang kanilang kapamilya o pagkain kapag po nagugutom, hindi po matitigil ang illegal logging,” pahayag pa ni Paje.

Aniya, ito ang dahilan kung kaya ang NGP ay hindi lamang para sa pagtatanim ng punong kahoy sa kagubatan kundi para rin sa pagtatanim ng namumungang puno tulad ng mangga, kape, cacao at iba pa.

Sa ilalim nito, nakikipagtutulungan ang Department of Environment ang Natural Resources (DENR) sa Department of Agriculture at sa Department of Agrarian Reform.

“Kami po ay nagtutulungan ng Department of Agriculture at ng Agrarian Reform sa pagtatanim ng mga fruit-bearing trees tulad ng mangga, coffee, cacao, at iba pang pananim, at i-turnover natin ang mga ito sa mga komunidad. Ang plantasyong ito ang magiging source of livelihood nila upang ‘di nila titingnan yong gubat na source ng kanilang pagkain o panggamot,” dagdag pa ng kalihim.

Nasambit pa ni Paje na kung si Pangulong Benigno Aquino III daw ang tatanungin, ang pagkakaroon ng seguridad sa kalikasan ang pinakamataas na uri ng pambansang seguridad.

Sa kautusan umano ni Pangulong Aquino na ibinigay sa DENR at sa iba pang ahensiya ng pamahalaan na bumubuo sa Cabinet cluster ng Climate Change Adaptation and Mitigation, inatasan sila ng Pangulo na iprayoridad ang kapakanan ng mahihirap at ng susunod na mga henerasyon.

“Ang hangarin ng pamahalaang Aquino ay isang malinis na kapaligiran, mayabong na likas na yaman, at isang matatag na lipunan na kayang harapin ang epekto ng climate change,” giit ni Paje.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply