Nawawalang 600 container pinaiimbestigahan ng BoC

HINILING ni Bureau of Customs (BoC) Port of Batangas (POB) District Collector Juan N. Tan ang dagliang pag-iimbestiga sa umano’y pagkawala ng may 600 container ng dutiable goods.

Imbes na sa kanyang poder umano napunta ay nakarating ang mga container sa Port of Manila (POM) at Manila International Container Port (MICP).

Sa memorandum kay Customs Commissioner Angelito Alvarez, iginiit ni Tan na sa 900 container na dumating umano sa POM at sa MICP noong Hunyo, 305 lamang ang natanggap ng Batangas Port.

Sa naunang alegasyon mula sa ilang opisyal ng POM, isinisisi sa POB ang umano’y pagkawala ng 600 container dahil 900 container na ang naipadala sa Port of Batangas.

Sa parte naman ni Tan, nilinaw nito na ang nawawala umanong 600 container ay hindi dumating sa kanyang port.

Ang mga taga-POM na umano ang nagsabing ini-release nila ang mga container sa pamamagitan ng “consumption entries.”

Ayon kay Tan, ang mga pahayag ay isang pag-amin na ang mga container ay nasa kamay ng Port of Manila at hindi sa kamay ng Port of Batangas.

Idinagdag pa ni Tan na ang kanyang pahayag ay sinuportahan ni POB Wharfinger Nelson Cruz at Assistant Wharfinger Romarico Tumbaga, na nagsabing 305 container lamang ang kanilang natanggap.

Bukod pa rito, ipinadala rin ni Tan ang ulat ng arrival at receipts of transshipped cargoes sa Deputy Collectors for Operation ng POM at MICP, ang Port Operation Service ng Office of the Commissioner at ng Assessment and Operation Coordination Group.

Hiniling ni Tan kay Alvarez na kasuhan ang mga responsable sa pagkawala ng containers upang lumabas ang katotohanan at hindi na maulit muli ang sitwasyon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply