Nawawalang 600 container vans pinaiimbestigahan sa NBI

PANAHON na upang makisawsaw sa imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa pagkawala ng mahigit sa 600 container vans na naglalaman ng mga smuggled assorted items.

Inihayag ni dating PASG Director for administration and finance Jeffrey Patawaran na kailangan nang pakialaman ni NBI Director Magtanggol B. Gatdula ang usaping ito dahil P1.7 billion ang nawala sa buwis na sana’y nakolekta ng Port of Batangas mula sa Eagle Trading, LCN Trading, at Moncelian Enterprises.

Bukod pa ito sa naunang 20 container vans na nawala naman noong buwan ng Pebrero sa nasabi pa ring daungan.

“If the said modus operandi were true, then it could explain the P2-billion shortfall in the collection of the Port of Batangas. And the disappearance of more than 600 containers has cost the government a revenue loss of approximately P1.7 billion,” ayon kay Patawaran.

Nauna rito, isang liham ang ipinadala ni dating PASG Director for administration and finance Jeffrey Patawaran kay NBI Director Magtanggol B. Gatdula na may petsang Hulyo 5 kung saan nakasaad na nakatanggap siya ng reliable reports kaugnay sa biglaang pagkawala ng mga kargamento para sa transhipment ng Sea Eagle Trading, LCN Trading, at Moncelian Enterprises  mula Port of Manila (PoM) at Manila International Container Port (MICP) patungong Port of Batangas.

Binigyang diin ni Patawaran na hindi nakarating sa Port of Batangas ang mga smuggled assorted items.

Sinabi naman ni Bureau of Customs chief Angelito Alvarez na sinimulan na nilang imbestigahan ang 600 container vans na napaulat na nawawala. Ang kanilang isinagawang hiwalay na imbestigasyon ang magde-determina kung ang mga kargamento ay nakarating nga ng Port of Batangas o hindi.

Sa ulat, inatasan ng BOC chief si Batangas District Collector Juan Tanna magsumite ng detalyadong report ukol sa transhipment ng Sea Eagle Trading, LCN Trading, at Moncelian Enterprises.

Inamin ni Customs district collector Tan kay Alvarez na mula sa mahigit 900 containers na binyahe mula POM at MICP ay 305 lamang ang nakarating sa Port of Batangas at malinaw na mahigit 600 container vans ang nawawala.

Subalit, iba naman ang sinabi ng mga opisyal ng POM at MICP kung saan ay pinanindigan ng mga ito na ang kabuuang shipment ng mahigit sa 900 containers ay na-dispatch at natanggap ng Batangas batay na rin sa kanilang dokumento.

Binigyang diin ni Port of Manila collector Roger Gatchalian na may dokumento silang magpapatunay na ang container vans mula POM ay nakarating ng Port of Batangas. Sa katunayan ay nakapagpakita pa anila sila ng mga dokumento gaya ng boat-notesmagpapatunay na hindi nawawala ang mga naturang container vans.

Kaugnay nito, sinabi ni Patawaran na noong nakaraang Pebrero, isang shipment ng 20 container vans ng Sea Eagle Trading ang binyahe mula Manila patungong Batangas subalit sa hindi malamang kadahilanan ay hindi natagpuan. Marami pa aniyang kahalintulad na shipments ang may ganitong kaso.

Nakasaad pa rin sa liham ni Patawaran sa NBI na maaaring i-beripika kay Director Marissa Galang, director ng Port of Manila Customs Intelligence and Investigation Service (POM-CIIS), ang nawawalang mga container vans.

“The 20 containers which have been allegedly alerted by Galang have disappeared into thin air; and, no one in the Port of Manila seems to know when the said shipment has left the port, as there were no entries on record. Neither is there any record of payment for the importation of the same,” ayon kay Patawaran.

Binigyang diin ni Patawaran na isiniwalat niya ang bagay na ito bilang bahagi ng kanyang krusada laban sa smuggling sa kabila ng pagkaka- abolish sa PASG.

“The best body to conduct the probe is not the customs because the latter, itself, must do a lot of explaining on this reported missing containers,” ang pahayag ni Patawaran. Kris Jose

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply