NCRPO handa na para sa SONA ni PNoy

HANDANG-HANDA na umano ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa seguridad na paiiralin sa state of the nation address (Sona) ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III sa Hulyo 25.

Tiniyak ni NCRPO Police Deputy Director General Nicanor Bartolome ang kahandaan sa Sona ni Pangulong Aquino sa darating na Lunes, Hulyo 25.

Inihayag ni Bartolome na nagkaroon na sila ng mga briefing sa Kampo Crame at mismong sina NCRPO Chief Alan Purisima at Quezon City Police District (QCPD) Director George Regis ang naglatag ng kanilang plano.

Kaugnay nito sasalubungin ng isang linggong protesta ng militanteng grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) mula sa Southern Tagalog ang Sona ni Pangulong Aquino.

Sinabi ni Bayan Timog Katagalugan Secretary General Leo Fuentes, ang kilos-protesta na sisimulan sa Lunes, Hulyo 18 hanggang sa mismong araw ng Sona sa Hulyo 25 ay laban sa kahirapan at kagutuman.

Kapapalooban ito ng pagtatayo ng mga protest camp, tigil-pasada, martsa ng bayan at konsiyerto sa pagbabago.

Naghahanda na ang Philippine National Police (PNP) Civil Disturbance Management Unit na haharap sa mga raliyista sa inaasahang susugod sa Sona ni Pangulong Aquin.

Sinabi ni Purisima na nasa 7,000 pulis ang itatalaga sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila para matiyak ang seguridad kasabay ng pagdaraos ng Sona.

Tiniyak naman nito na paiiralin pa rin ang maximum tolerance sa mga raliyista. Inihayag ni Purisima na Malakanyang, Senado, Batasan Pambansa, mga vital at key economic installations ang pangunahin nilang babantayan.

Kung kakailanganin aniya nilang magdagdag ng pwersa ay maaari silang humingi ng augmentation force mula sa mga kalapit na regional police office gaya ng Calabarzon at Central Luzon.

Nabanggit din ni Purisima na sa ngayon ay nasa heightened alert na ang mga pulis sa Metro Manila at itataas ito sa full alert bago ang araw ng Sona.

Samantala inaasahang iikot sa dalawang bahagi ang magiging Sona ni Pangulong Aquino.

Sinabi ni Institute for Political and Electoral Reform Executive Director Professor Ramon Casiple na posibleng kasama sa unang bahagi ng Sona ang mga nagawa nito noong 2010 tulad ng pagsugpo sa korapsyon at kahirapan. Pangalawa naman sa gustong marinig ng mga tao ay kung ano ba ang susunod na mga programa o plano ng pamahalaan sa susunod na taon.

Sinabi pa ni Casiple na isa sa mga hinihintay niyang marinig sa Sona ang pag-aksyon ng Pangulo sa mga malalaking kaso sa panahon ng dating administrasyong Arroyo tulad ng ibinulgar na dayaan sa 2004 presidential elections at 2007 senatorial elections, batay na rin sa pagbubunyag ni dating Maguindanao Election Supervisor Lintang Bedol.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply