Obispo sa mga mambabatas: ‘Mga hipokrito’

TINAWAG na hipokrito ng isang obispo ng Simbahang Katoliko ang mga mambabatas na nag-iimbestiga ng umano’y pagkakasangkot ng mga kapwa obispo sa iskandalo sa pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Ayon kay Sorsogon Bishop Arturo Bastes, miyembro ng Permanent Council ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), masyadong pinapalaki ng mga miyembro ng Senado at Kamara de Representantes ang isyu tungkol sa pagtanggap ng mga luxury vehicle ng ilang obispo noong panahon ng administrasyong Arroyo.

“That is overkill. For me it is not necessary,” ani Bastes na ang pinatutungkulan ay ang imbestigasyon.

Idinagdag ng obispo na hindi naman ibinulsa ng mga kasamahan niya ang natanggap mula sa PCSO at ginamit ang mga sasakyan sa pagtulong sa mga mahihirap.

“Why should they inquire of all those things na hindi naman ibinulsa ng mga obispo. Sasakyan ‘yan na hindi naman ginamit ng mga obispo sa sarili nilang paggamit.  Ginamit yan para tulungan ang mga mahihirap,” ani Bastes sa isang panayam ng church-run Radio Veritas ngayon, Biyernes.

Giit ng obispo, ang dapat pagtuunan ng pansin ng mga mambabatas ay ang pag-iimbestiga sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.

“Bakit di nila imbestigahan ang kurapsyon ng mga tiwaling opisyal at pinuno ng pamahalaan. They should examine themselves. All of them are most corrupt and they are hypocrite,” pahayag pa ng obispo.

Nilinaw rin naman ng Obispo na hindi lumalabag sa usapin ng separation of the Church and State ang Simbahan sa pagtulong  nito sa mga mahihirap na pamilya sa bansa.

Ayon kay Bastes, kung titingnan sa  mas  malawak na perspektibo ang Estado at Simbahan ay hindi dapat  naghiwalay sa usapin ng pagtugon sa pangangailangan ng mahihirap na  pamilya sa  bansa.

Giit ng Obispo nalalabag lamang ang “separation of the Church and the State” kapag mayroon nang pamumulitika sa loob ng  Simbahan base sa motibo ng pagtulong nito sa mahihirap na hindi nangyayari sa mga obispo sa PIlipinas.

Sinegundahan naman ito ni Fr. Ranhillo Aquino, dean ng San Beda College School of Law, at iginiit na hindi labag sa Saligang Batas ang pagtanggap ng tulong mula sa PCSO kung ito ay para makatulong sa mahihirap.

Paliwanag ni Aquino, nagdesisyon na ang Korte Suprema sa maraming kaso na hindi labag sa Saligang Batas ang pagbibigay ng tulong sa mga grupong relihiyoso kung ito ay naglalayong makatulong sa mga mamamayan.

Ipinagtanggol din ni Aquino si Bishop Rodolfo Beltran, Apostolic Vicar ng Bontoc-Lagawe, na pinangalanan ng PCSO na tumanggap ng mamahaling sasakyan, dahil kilala aniya itong mabuti at tapat na tao.

“Nalulungkot ako at dismayado dahil ang isang pinangalanan nilang obispo ay kakilala ko, si Bishop Beltran na very honest and kind man, Bishop Beltran is a person with whom you find no fiber of malice and deceit. And they still named him, poor man,” aniya.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply