OFWs nabuwisit sa SONA ni PNoy

NAGPAHAYAG ng pagkabuwisit ang mga overseas Filipino worker (OFW) kay Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III dahil sa komento nito ukol sa kanila sa kanyang state of the nation address (SONA) noong Lunes.

Ayon kay Dolores Balladares, tagapangulo ng United Filipinos in Hong Kong, nakaiirita ang sinabi sa kanila ng Presidente na mas gusto nilang pagsilbihan ang mga banyaga kaysa mga sariling kababayan.

Aniya, binalewala rin ni Aquino ang liham ng kanilang grupo na ipinadala nila bago pa ang SONA, kung saan humihingi sila ng proteksyon.

Ani Balladares, kung tutuusin, walang Pinoy na gustong magtrabaho sa labas ng bansa at iwanan ang kani-kanilang pamilya kung hindi lamang kinakailangan.

Hindi umano madaling manirahan sa ibang bansa, kung saan iba ang kultura at wala silang kapamilya o kaibigan.

Kung mabibigyan umano sila ng kasalukuyang administrasyon ng trabaho, kabuhayan at batayang serbisyong panglipunan ay hindi umano sila aalis sa bansa.

Sa kanyang SONA noong nakaraang Hulyo 25, hiniling ni Pangulong Aquino sa mga Pinoy na pasalamatan ang mga nurse na nagsisilbi sa mga ospital ng Pilipinas sa halip na magtrabaho sa ibang bansa kung saan ay mas malaki ang suweldo.

Sinabi rin niyang dapat pasalamatan ng mga estudiyante ang mga titser na piniling dito magturo gayong mas malaki ang kikitain sa abroad.

Ipinaalala ni Balladares sa Presidente na ang ekonomiya ng bansa ay nakasandal sa padalang pera ng mga OFW. Galing ang ikatlong bahagi ng gross domestic products (GDP) ng bansa.

Hindi umano sila makapaniwalang ganito pa ang igaganti sa kanila ng Pangulo sa kabila ng kanilang pagtitiis.

Malaki rin umano ang kinikita sa kanila ng gobyerno dahil sa napakaraming kontribusyon ay mandatory insurance sa pamamagitan ng Overseas Workers Welfare Administration membership fees, at employment agency fees.

Sa kanyang SONA, sinabi ni Aquino na sa ilalim ng kanyang pamumuno, puwede na umanong makapamili ang mga kababayan kung magtatrabaho sa labas ng bansa o sa Pilipinas.

Gayunman, sinabi ni Balladares na nananaginip lamang si Pangulong Aquino dahil ang totoo ay 4,000 Pinoy ang umaalis sa bansa araw-araw patungong abroad upang magtrabaho.

Posible umanong hindi pa nabibisita ng Pangulo ang Philippine Overseas Employment Administration kaya hindi niya alam kung gaano karaming Pinoy ang nagnanais na magtrabaho sa abroad.

Aniya, sa halip na magyabang, dapat umanong umaksyon ang gobyernong Aquino upang mapangalagaan ang mga OFW at maibigay ang proteksyong nararapat sa kanila.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply