Oxygen sa Taal Lake mababa pa rin dahil sa pag-ulan

MABABA pa rin ang antas ng dissolved oxygen (DO) sa mga katubigan ng mga bayan ng Talisay, Laurel, Agoncillo at San Nicolas, pawang mga bahagi ng Taal Lake, bunsod ng mga pag-ulan na dala ni bagyong “Goring.”

Sinabi ni Atty. Asis G. Perez, direktor ng Bureau of Fisheries Aquatic Resources (BFAR), bagama’t patuloy ang masamang panahon ay masaya na rin ang ahensiya dahil walang naiulat na “fishkill.”

Aniya, malaki rin ang naitulong ng pagbabaklas nila sa ilang mga istruktura ng illegal fish cages sa tulong ng local government units (LGUs), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Task Force Taal Lake at BFAR, dahil nabawasan ang pangamba magkaroon muli ng fishkill at ligtas na ang nalalabing mga stock ng isda sa ibang mga fish cage.

Ayon sa BFAR technicians na nagsasagawa ng monitoring sa 14 na istasyon na kinuhang sample, tanging ang Aya ang may katanggap-tanggap na antas na 6.9 ppm.  Ang DO levels sa Laurel at Agoncillo ay mula 2.3  hanggang 3.7 ppm.

Nakaaalarma naman ang naitala nila sa Quling, Tumaway, Sampaloc at Poblacion na malayo umano sa wastong na DO level na 6.0 ppm para mabuhay ang isda.

Ani Perez, matatagalan pa bago maibalik sa dati ang kalidad ng tubig sa Taal Lake para sa aquaculture, ngunit patuloy ang kanilang monitoring sa kondisyon ng katubigan sa lugar at paiigtingin pa umano nila ang pagpapakalat ng mga impormasyon ukol dito.

Muli ay binalaan ni Perez ang lahat ng fish cage operators na palaging tatandaan ang panahon ng farming operations dahil hindi aniya angkop ang tag-ulan sa pagpapalaki ng alagang isda, lalo na sa mga saradong kulungan.

Inihalimbawa dito ni Perez ang lawa, na ang pagpapalaki ng natural na pagkain dito ng mga isda gaya ng maliliit na planktons ay umaasa sa mainit na panahon para sa photosynthesis na tumutulong sa proseso ng produksyon ng dissolved oxygen sa tubig.

Aniya, kapag tag-ulan ay bumababa ang DO level.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply