P1.5-B kickback sa PCSO itinanggi ni Garcia

ITINANGGI ng dating advertising at promotions manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang akusasyon na kumita siya ng P1.5 bilyon kickback mula sa promotional placements ng tanggapan sa ilalim ng nakaraang administrasyon.

Naging emosyonal din si Manuel Garcia sa pagsasabing wala siyang ninakaw o krimen na nagawa mula sa pondo ng PCSO lalo na sa sinasabing kumukuha siya noon ng 40% na kickback sa media projects ng PCSO.

Binigyan-diin ng dating opisyal na may mas nakakataas pa sa kanya sa PCSO noon na silang nagpapasya sa promotional projects ng tanggapan.

Hiniling pa ni Garcia na tantanan na siya sa naturang isyu dahil lubhang naapektuhan na ang kanyang pamilya lalo’t may kaso ng nakasampa laban sa kanya sa korte.

Handa umano ang dating opisyal na harapin ang kanyang kaso sa tamang forum.

Sa pagdinig, pinakita rin ang mga ari-arian ni Garcia kabilang ang mga magagarang sasakyan.

Batay sa report ng Commission on Audit, gumastos ang PCSO ng P2.3 billion para sa advertisements nito mula 2001 hanggang 2005 habang P1 billion naman noong 2006, P686 million sa 2007,  P968 million sa 2008, P1.6 billion sa 2009 at P1.75 billion sa 2010.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply