P1.8 trillion budget dadaan sa butas ng karayom

PADADAANIN sa butas ng karayom hindi lamang ng oposisyon kundi ng mga militanteng mambabatas ang P1.8 trilyong pisong badyet na isusumite ng Malakanyang sa Kamara pagkatapos ng State of the Nation Address ni Pangulong Aquino sa July 25.

Ani Kabataan partylist Rep. Raymond “Mong” Palatino, babantayan nilang maigi ang isusumiteng alokasyon para sa 2012 upang masiguro na hindi titipirin ng gobyerno ang sector ng edukasyon partikular ang mga State Universities and Colleges (SUCs).

Inihayag ni Palatino na anumang araw ay nakatakdang magsanib pwersa ang lahat ng SUCs para ipaglaban ang karagdagang pondo sa iskolar ng bayan lalo na at patuloy ang pagtaas ng matrikula.

Sa panig naman ng oposisyon, sinabi ni House Asst. Minority Leader at Zambales Rep. Mitos Magsaysay na hindi na nila pagbibigyan si Pangulong Aquino dahil tapos na ang honeymoon period.

Pinagbigyan na aniya ito ng oposisyon sa unang taon kaya hindi na kinalkal ang isinumiteng 2011 proposed national budget.

Sinabi naman ni House Deputy Minority Leader Danilo Suarez na hindi gaanong gumastos ang gobyerno sa taong ito sa kabila ng pagkakaroon ng sapat na alokasyon na aniya’y hindi nakabubuti sa ekonomiya ng bansa.

“When you don’t spend, you cannot create opportunities especially jobs.  That’s bad for the economy,” giit ni Suarez.

Ang badyet na P1.816 Trilyong pondo ay inaprubahan na umano ni Pangulong Aquino na mas mataas ng 10 porsiyento sa kasalukuyang badyet na P1.645 Trilyon.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply