P200M kickback ni GMA kada taon sa ARMM – Ping

ITINUTURING ng isang senador na barya lamang ang P200 milyon na kickback ni dating Pangulo, ngayon Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa lahat ng public works projects sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM).

Ayon kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson na umaabot sa mahigit isang bilyon ang ipinalalabas ni Rep. Arroyo sa ARMM sa pamamagitan ng Department of Budget and Management (DBM) kada taon kahit walang batas na inaprubahan ang regional government ng ARMM.

“Maliit pa yan,” sambit ni Lacson nang hingan ng reaksyon sa naging rebelasyon ni dating ARMM Gov. Zaldy Ampatuan.

Ayon sa senador, isang bilyong piso kada taon ang ipinapalabas ng dating Pangulo sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa kabila ng kawalan ng kaukulang batas.

“Taon-taon, nagre-release siya thru DBM ng mahigit isang bilyong piso para sa public works kuno sa ARMM kahit walang enabling law na ipinapasa ang regional assembly na isinasaad ng general appropriations act,”ani Lacson.

Sa kalakarang 20 hanggang 30 porsyentong kickback sa government project, papalo na sa P200 milyon hanggang P300 milyon ang posibleng maging kickback sa isang taon kung kaya sa loob ng dalawang taon ay aabot sa P 600 milyon ang kickback.

Nauna nang nabulgar na minaniobra ng pamilya Ampatuan ang isang P500 milyong road project sa Maguinanao kung saan 1.3 kilometro lamang ang naipagawa sa halip na pitong kilometro na nakasaad sa proyekto.

Natuklasan pa ng Commission on Audit (COA) na napunta ang karamihan sa naturang pondo sa kategoryang “fuel and lubricant” na binili ng ARMM sa Sariff Aquak Petro Station na pag-aari ng pamilya Ampatuan.

Sinabi ni Lacson na mabuti sana kung talagang may ginagawang farm to market road o iba pang proyekto dahil baka ‘ghost project’ lamang ito kung saan buong-buong makukuha ang ipinalabas na pondo sa proyekto kuno.

“Kung 20-30 % ang kickback niya sa regular appropriations, magkano kaya kung ghost projects?” pagtatanong ni Lacson.

Itinanggi na ni Atty. Raul Lambino, abogado ni dating Pangulong Arroyo ang akusasyon ni Ampatuan.

Noong 2003, ibinunyag ni Lacson ang Jose Pidal account ng asawa ni dating Pangulong Arroyo kung saan ginagamit umano ito sa money laundering activities.

Inako naman ng kapatid ng dating First Gentleman na si Rep. Ignacio “Iggy” Arroyo ang Jose Pidal account.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply