P228M nakulimbat ng PNP directors

TUMATAGINTING na P228.3 milyon ang kabuuang halaga na nakulimbat ng mga  regional director ng Philippine National Police (PNP) mula 2006 hanggang ngayon mula sa operasyon ng small-town lottery (STL) sa kanilang nasasakupan sa 12 lalawigan.

Base sa dokumentong isinumite ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Ferdinand Rojas III sa Senate Blue Ribbon Committee na umabot sa P33.378 milyon ang tinanggap ng PNP regional directors noong 2011 pa lamang.

“Mula 2006 hanggang ngayon, umaabotr na sa P228.3 milyon; at nitong 2011 pa lamang, aabot sa P33.378 milyon ang tinanggap ng mga PNP regional directors bilang shares ng lokal na pulisya mula sa operasyon ng STL sa kanilang nasasakupan,” ayon kay Rojas.

Mula sa pilot areas sa Angeles City sa Pampanga, Pilar sa Bataan, Balagtas sa Bulacan at San Nicolas sa Ilocos Norte noong 2006, lumawak ang operasyon ng STL sa 12 lalawigan.

Umaabot lamang sa 79 ang bilang ng lalawigan sa buong bansa bukod sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) at ang  Cordillera Administrative Region (CAR).

“Checks were issued at least twice a month to regional directors,”  ayon sa dokumento ng PCSO.

Iniulat ng PCSO kay Guingona na sa Central Luzon lamang, ilan sa tumanggap ng tseke mula sa operasyon ng STL ay ang mga retiradong dating Chief Supts.  Ismael Rafanan, Errol Pan,  at Leon Nilo dela Cruz.

Kasama sa listahan sina Chief Supts. Alan Purisima (ngayon ay NCRPO chief), Arturo Cacdac (nakatalaga ngayon bilang directorate sa PNP-HQ); at Edgardo Ladao.

Tumatanggap din ng tseke ang mga regional director ng PNP sa Central Luzon mula sa ibang operator ng STL sa lalawigan na kanilang nasasakupan, ayon pa sa dokumento.

Nauna nang inamin ni PNP chief Director General Raul Bacalzo na nakatanggap sila ng shares mula sa STL ngunit lahat ng ito ay accounted, liquidated at may kaukulang papeles kung saan napunta ang halagang natanggap ng PNP national headquarter.

Ayon kay Bacalzo, wala silang dokumento na magpapatunay kung natanggap, kung saan ginamit at kung paano ginastos ang shares na natatanggap ng mga PNP regional directors mula sa operasyon ng STL.

Inamin din ng PCSO na pinagbabatayan lamang nila ang report ng STL operators na isinusumite sa kanilang tanggapan hinggil sa natatanggap na share ng mga regional directors ng pulisya.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply