P25-B assistance fund sa BF hinarang ng CA

IBINASURA ng Court of Appeals ang desisyon ng Makati City Regional Trial Court na nag-uutos sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Monetary Board na magpalabas ng P25-bilyong financial assistance package sa nagsarang Banco Filipino.

Sa 25-pahinang desisyon ng Court of Appeals Former Special 10th Division na pinonente ni Associate Justice Hakim Abdulwahid, iniutos na ibasura ang kasong inihain ng Banco Filipino laban sa BSP at Monetary Board.

Kasabay nito, ipinawalang-bisa rin ng CA ang kautusan ni Judge Joselito Villarosa ng Makati RTC Branch 66 na ipinalabas nuong Nobyembre 19, 2009 na nag-aatas ng pagkakaloob ng financial aid para sa BF.

Nakasaad sa desisyon ng CA na hindi dapat umakto sa nasabing kaso ang mababang hukuman dahil hindi naman ito sakop ng kanilang hurisdiksyon.

Nag-ugat ang nasabing desisyon sa petisyong isinumite ng BSP at Monetary Board kung saan kanilang iginiit na nilabag ng Makati RTC ang kanilang karapatan sa due process.

Naging hadlang din umano ang desisyon ng Makati RTC para magampanan ng BSP ang kanilang mandato sa ilalim ng konstitusyon na magtakda ng polisiya sa mga aktibidad na may kinalaman sa pagbabangko.

Nauna nang nagpalabas ang CA ng writ of preliminary injunction noong Marso laban sa kautusan ni Judge Villarosa dahil posible umanong dumanas ang BSP at Monetary Board ng matinding pinsala o irreparable injury kung tuluyang ipatutupad ang utos ng mababang hukuman habang nakabinbin pa ang desisyon tungkol sa merito ng kaso.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply