P296M inilaan sa pro-poor programs ng Nueva Ecija

NAGLAAN ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng halagang P296 milyon para sa implementasyon ng mga pro-poor programs nito sa Nueva Ecija.

Personal na iginawad ni DSWD Assistant Secretary Florita Villar ang tseke kay Governor Aurelio Umali sa isinagawang convergence road show sa lungsod ng Palayan noong nakaraang linggo.

Inilahad ni Social Welfare Regional information officer Evelyn Manalo na 172.2 milyong piso sa nasabing halaga ay para sa 11,482 household beneficiaries ng Pantawid Pamilya; P3.5 milyong  para sa 750
recipients ng Self Employment Assistance-Kaunlaran (SEA-K); P11.7 milyon para sa 1,950 benepisyaryo ng Social Pension, P47.6 milyon para sa 28,744 benepisyaryo ng Supplemental Feeding in Day Care Centers program at P61.3 milyong  para sa 19,510 famer and fisher folk recipients ng Cash-for-work program (CWP).

Paliwanag ni Manalo, nagbibigay ang Pantawid Pamilya ng P1,400  kada buwan tuwing school months (June-March) at P500  kada buwan tuwing non-school months (April-May) sa mga benepisyaryo nito basta sumunod sila sa alituntunin ng programa kabilang na ang pagiging present ng mga bata sa 85 porsyento ng kabuuang bilang ng school days kada buwan at regular nilang pagbisita sa health center upang mabigyan ng karampatang bakuna at bitamina.

Ang SEA-K naman ay isang capability building program na naglalayong mapabuti ang kasanayan ng mga mahihirap na pamilya sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga community-based associations for entrepreneurial development.

Kabilang sa mga proyekto ng mga SEA-K groups ang food processing (tocino, longganisa), bag making at loom weaving.

Dagdag pa ni Manalo na ang Social Pension program ay nagbibigay ng P500 monthly stipend sa mga mahihirap na Senior citizens edad 77 taon pataas na hindi tumatanggap ng kahit anong pensiyon,
walang permanenteng pagkakakitaan at walang regular na suporta mula sa mga kamag-anak habang ang Supplement Feeding program ay nagbibigay ng mga masusustansyang pagkain sa mga bata sa day care centers.

Samantala, ang mga mahihirap na magsasaka at mangingisdang benepisyaryo ng CWP ay nagtatrabaho sa mga identified community projects sa loob ng labing isang araw kung saan sila ay kikita ng
P3,146 o P286  kada araw.

Kabilang sa mga proyektong kanilang pagtatrabahuhan ang river dredging at embankment, pagkumpuni ng mga small scale irrigation at tree planting at iba pang reforestation activities. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply