P5-milyon scholarship fund inilaan ng Tesda

MAGLALAAN ng paunang P5-milyon scholarship fund ang Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) para sa “language review classes” ng mga nagbabalik na overseas Filipino worker (OFW) na maaapektuhan ng “Saudization program.”

Ayon kay Tesda Director-General Joel Villanueva, iaalok nang libre ang review classes sa mga nagbabalik na OFW upang mabigyan ang mga ito ng panibagong oportunidad sa trabaho.

“Inaasahang sa pamamagitan ng ganitong tulong na makakapagbigay ang Tesda ng kontribusyon sa hakbang ng pamahalaan na mabawasan ang negatibong epekto ng Saudization,” ani Villanueva.

Bukas ang klase sa mga OFW na interesadong magtrabaho sa Australia at Canada.

Matatandaang tinukoy ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz ang dalawang bansa bilang mga posibleng destinasyon ng mga Filipino na nais magtrabaho sa ibang bansa.

Subalit bago makakuha ng working visa ang isang aplikante, kinakailangan muna niyang sumailalim at pumasa sa kursong tinatawag na English as a Second Language o ESL sa ilang piling trabaho o work-related language bukod pa sa mga itinakdang reglamento ng isang bansa sa pagbibigay ng skills certification.

Mayroong inisyal na 1,000 slots para sa mga manggagawang nais mag-rebyu sa ilalim ng International English Language Test System (IELTS) at Test of English as a Foreign Language (TOEFL) na kabilang sa requirements bago mabigyan ng visa.

Bibigyan rin ng Tesda ng kabuuang P5,000 subsidiya ang bawat trainee para sa language review.

“Ayaw naming sumambulat sa aming mukha ang epekto ng Saudization program na ito. Bago pa man ito maramdaman, ginagawa namin ang mga hakbang para bawasan ang epekto nito sa OFWs at mabigyan sila ng pag-asa para sa bagong trabaho,” ani Villanueva.

Kukunin ng Tesda ang P5-milyon pondo mula sa Training for Work Scholarship Program (TWSP), isa sa pangunahing scholarship programs ng ahensya.

Itatakda naman ng Department of Labor and Employment (Dole) at Philippine Overseas Employment Agency (POEA) ang criteria sa pagpili ng OFWs na lehitimong tatanggap ng tulong sa nasabing programa.

Ilalabas rin ng dalawang ahensiya ang sertipikasyon na magpapatunay na karapat-dapat tumanggap ng tulong ang isang OFW.

Ikinokonsidera rin ang pre-assessment process katulad ng on-line assessment guide para sa IELTS bago pa man makakuha ng tulong sa Tesda upang matiyak na makikinabang ang higit na nangangailangan ng ayuda.

Inoobliga ng Australian Department of Immigration and Citizenship (DIAC) ang isang manggagawa sa ibayong-dagat na ipakita ang kanyang sapat na kakahayan sa English sa pamamagitan ng pagkuha ng International English Language Testing System (IELTS) test.

Samantala, hinihingi naman ng Citizenship Immigration Canada (CIC) ang assessment results sa kaalaman sa English ng aplikante na nais magtrabaho sa Canada.

Mahigit isang milyong manggagawang Filipino ang nasa Saudi Arabia na kinabibilangan ng kasambahay, service workers, nurses, construction workers, doktor at iba pang propesyunal.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply