P6-M housing fund ng NPC buo pa — Yap

KINONDENA ng National Press Club (NPC) ang lumabas na balitang “nawawala” ang pondo nitong umaabot sa P6 milyon na nakalaan sa proyektong pabahay nito para sa mga miyembro.

Sa pahayag na ipinalabas ni NPC president Jerry Yap, idiniin nitong “intact” at hindi nawawala ang nasabing pondo.

Gayundin ay nilinaw ni Yap na “above board” ang desisyon ng pamunuan ng NPC na ilaan ang naturang pondo para sa proyektong murang pabahay para sa mga miyembro ng NPC.

Kamakailan ay lumabas sa ilang pahayagan na “iniipit” umano ni dating NPC president Benny Antiporda ang P6-milyon pondo at ayaw umano nitong ibalik sa NPC.

Ayon kay Yap, ang naturang pondo ay sadyang itinago ng pamunuan sa publiko bilang proteksyon laban sa ilang kasong kinapapalooban ng NPC bunsod naman ng tangkang pang-aagaw ng GSIS sa mga pag-aari ng samahan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng NPC kaugnay ng lumabas na intriga, nabatid na isang opisyal na nagbabalak umanong tumakbo bilang pangulo sa susunod na eleksyon sa NPC ang nagpapakalat ng maling impormasyon para hindi matuloy ang proyekto at siraan ang kanyang mga kasamahan sa organisasyon.

Wala rin umanong katotohanan ang napabalitang “sapilitang” ibinibenta ni Antiporda sa NPC ang lupang pagtatayuan ng housing project sa Pulilan, Bulacan.

Aniya pa, “joint venture” ang proyekto kung saan “no cashout” sa lupang pagtatayuan ng mga bahay ang NPC upang tiyakin na mabibiyayaan ang mas maraming bilang ng mga miyembro nito.

Base sa plano, gagastusin ng NPC ang P6 milyon bilang “housing developer” pasa sa 45 bahay na itatayo sa 2,960-metro-kuwadradong lupa.

Mababayaran lamang si Antiporda oras na mabili na ito ng mga miyembro sa mababang halaga.

Nananawagan din si Yap sa mga kasamahan sa media at mga miyembro ng NPC na huwag patulan ang mga malisyosong impormasyong pinakakalat ng ilang grupo para sa kanilang sariling ambisyon.

Ani Yap, lahat ng mga miyembro ng NPC na interesado sa naturang pabahay ay maaari nang magsadya o tumawag sa opisina ng NPC para sa karagdagang impormasyon.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply