P7.2B nilustay ng PCSO sa lotto campaign

TUMATAGINTING na P7.2 bilyon ang nilustay ng nakaraang administrasyon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa advertisement at promosyon ng online lottery games na ikinagulat ng Senate Blue Ribbon Committee.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado sa PCSO fund mess, ibinulgar ng kasalukuyang administrasyon na umabot sa P7.2 bilyon ang inilaan ng pamunuan ni dating chairman Rosario Uriarte sa promosyon ng lotto mula 2005 hanggang 2010.

Kabilang sa pinaglaanan ng PCSO ang patalastas ng ahensiya sa telebisyon, radyo, diyaryo at teleserye tulad ng Dial M ni dating PCSO chairman Manuel “Manoling” Morato.

Natuklasan pa na mula Enero hanggang Hulyo 2010, panahon ng halalan pangpanguluhan, umabot naman sa P1.1 bilyon ang ginastos ng PCSO sa advertisement at promosyon.

Kinuwestiyon naman ni Sen. Franklin Drilon kung bakit napakalaki nang inilabas na pondo noong 2010 sa panahon ng halalan samantalang, umabot lamang sa P700 milyon ang nilustay ng nakaraang administrasyon noong 2009.

Aminado ang kasalukuyang administrasyon ng PCSO na sobrang malaki ang pondong inilaan sa media projects sa nakalipas na limang taon.

Tiniyak naman ni Atty. Jose Ferdinand Rojas II na mayroon na silang repormang ipinatutupad ngayon sa PCSO at kabilang na dito ang pagkaltas ng pondo na inilalaan para sa PR funds ng tanggapan.

Kaugnay nito, itinanggi naman ni Uriarte na pinondohan ng PCSO ang “Run-Gloria-Run” campaign na nagkakahalagang P2 milyon na dumaan sa isang non-governmental organization na pinamumunuan ng dating chief of staff nito.

Ibinulgar ni Sen. Panfilo Lacson na umabot sa P2 milyon ang ibinigay ng pondo ng dating administrasyon ng PCSO sa Gawin Natin Lakas Pinoy Foundation na siyang nasa likod ng “Run-Gloria-Run” campaign upang mapilitan si dating pangulo, ngayon Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na tumakbo sa panguluhan noong 2004.

Ayon kay Uriarte, wala siyang maalala na naglaan ng pondo ang PCSO sa nabanggit na NGO dahil kung dumaan umano sa kanyang tanggapan ay agad nitong ibabasura.

Umiwas din si Uriarte nang tanungin ni Lacson na si Raul Nestor Ancheta ang mismong chief of staff nito ang isa sa incorporators ng foundation.

Hindi rin pinalampas ni Lacson na tanungin si Uriarte kaugnay ng natuklasan nitong pagamit ng ambulansya sa isang motorcade.

Pero ayon sa dating opisyal ng PCSO wala siyang alam sa mga pinagsasabi ng senador.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply