P848-M lotto prize money kinupit ng PCSO

NANINIWALA ang Senado na kinupit ng dating pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang mahigit P848 milyong pondong papremyo sa lotto at iba  pang pasugalan ng ahensiya noong 2007 at 2008.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa pamumuno ni Sen. Teofisto Guingona III, sinabi ni Commission on Audit (COA) Chairman Fidel Tan na hindi inilipat ng dating pamunuan ng PCSO ang halaga sa charity funds na itinakda ng batas.

“”Per our books, all unclaimed prizes should go to the charity funds after one year (under its charter),” paliwanag ni Tan.

Ngunit, natuklasan ng COA, ayon kay Tan, na base sa kanilang audit findings, sa halip na ilipat sa charity funds ang P848 milyong prize money, pinanatili ng dating opisyal ng PCSO ang pondo bilang cash assets ng ahensiya na malamang pinagmulan ng korapsiyon.

Hindi na makita ng COA ang naturang halaga dahil pinagsama-sama ng PCSO ang lahat ng uri ng pondo nito kaya nahihirapan ang komisyon na tuusin ang gastusin at hanapin ang dokumentong magpapatunay sa ginastos.

“Based on our audit findings, the forfeited prizes was not transferred to the charity funds  but instead maintained by PCSO as their cash assets,” giit ni Tan.

Iniulat ni Tan na mayroong P471 milyon at P376 milyon prize money ang PCSO noong 2007 at 2008 ayon sa pagkakasunod-sunod.

Natuklasan pa sa Senado na umabot sa P23 bilyon ang kinita ng PCSO noong 2009 lamang na kung saan nagbayad ang ahensiya ng 10% mula sa kinita para sa documentary stamp tax, at 5% para sa gross earning sa national government at ginamit ang 55% nito bilang prize money.

Kinukuwestiyon ni Sen. Franklin Drilon kung magkano ang kinikita ng pambansang pamahalaan sa P23 bilyong kinita naman ng PCSO bilang gross earnings noong 2009 na walang makapagsabi sa alinmang ahensiya ng pamahalaan na dumalo sa pagdinig.

“With the huge P23 billion in gross earnings, nobody can tell the committee on how much the national government realized from these earnings,” ayon kay Drilon.

Nauna nang inihayag ni Tan na pinagsama-sama ng dating pamunuan ng PCSO ang lahat ng pondo ng ahensiya na nagpahirap sa COA na suriin ang ginastos nito tulad ng prize money, charity funds at operating funds.

“Now it is separated. The unclaimed prize funds in the amount of P600 million was put into a trust fund of the charity funds,” ayon naman kay PCSO chair Margarita Juico.

Dahil dito, inatasan ni Senate President Juan Ponce Enrile na magsagawa ang komisyon ng imbentaryo ng kabuuang pondo ng ahensiya at lahat ng alokasyon nito sa lahat ng ginastos upang “makita kung saan may kakulangan at pagkakamali ang dating pamunuan.”

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply