P9B renta ng PCSO sa P25M makina

UMABOT na P9 bilyon ang inilabas na pera ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) bilang bayad sa renta ng makinang ginagamit sa pagbobola ng lotto na kung binili ng ahensya ay P25 milyon lamang ang halaga.

Ito ang ibinulgar ni Sen. Franklin Drilon, na nagsabing malamang na bilyong-piso rin ang kinita ng mga tiwaling opisyal ng PCSO ng nakaraang administrasyon na nagdesisyong rentahan lamang ang makina imbes na bilhin ito, na pinapayagan naman ng kontrata.

“Nirerentahan lang natin ‘yon (makina sa pagbola), pero may option to buy tayo for P25 million,” ayon kay Drilon.

Sinabi ni Drilon na sa halip bilhin ng PCSO ang makina, nirentahan ito na siyang lubhang nagpalugi sa operasyon ng lotto dahil maaari naman nilang bilhin ito sa halagang P25 milyon.

“Ang renta diyan umabot ng bilyon. Sa halip na bilhin for P25 milyon, we opted to rent it out. Sa kinalaunan, umabot na sa halos P9 bilyon ang binayad sa kumpanyang ito para sa renta,” paliwanag ni Drilon

Naniniwala si Drilon na mas minabuti ng mga tiwaling opisyal ng PCSO na rentahan ang makina dahil malaki ang kikitain nila kaysa bilhin ito.

“Medyo iisipin na they preferred rental kasi… alam n’yo na ang ibig sabihin.” aniya.

Dahil dito, sinabi ni Drilon na makikipagpulong siya sa ilang lider ng Mababang Kapulungan na siyang nagbulgar sa anomalya hinggil sa pagrenta ng makina upang matukoy ang buong detalye ng pangyayari.

“Titignan po natin yan at tatawagan ko si Cong. Colmenares and sit down with him and find out what this is all about. But again that strengthens the argument na kailangan i-privatize na natin,” giit ni Drilon.

Iniimbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee sa pamumuno ni Sen. Teofisto Guingona III ang multi-milyong halaga ng intelligence fund na ibinigay ng pamunuan ng PCSO kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Mismong si dating PCSO general manager Rosario Uriarte ang nagsabi sa komite na siya mismo ang nagbibigay ng pondo kay Arroyo, partikular ang P150 milyon na kinuha ng ahensiya pondo ng public promotion department ilang araw bago maghalalan noong 2010.

Samantala, hiniling naman ni Drilon sa Office of the Ombudsman na simulan kaagad ang imbestigasyon sa anomalyang nabulgar sa Senado upang makakalap kaagad ng ebidensiya na siyang magbibigay ng probable cause upang idemanda ng plunder sina Uriarte at Arroyo.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply