Pabahay sa lola’t lolong palaboy isinusulong

ISINUSULONG sa Kamara ang pagpapatayo ng mga bahay-silungan sa bawat lalawigan ng bansa na siyang maaaring paglagakan ng mga lola at lolo na palabuy-laboy sa lansangan at walang bahay na natutuluyan.

Sa inihaing House Bill 4751 ni ALE Rep. Catalina Bagasina, ipinaliwanag na ang layunin ng panukala ay mabigyan ang palaboy na matatanda ng maayos at komportableng mapagpapahingahan, matutuluyan, sapat na pag-aaruga, tulong medikal, sapat na pagkain at mapaglilibangan.

Kikilalanin ang batas na ito bilang Homeless Elderly Center of 2011. Ito ay pangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa ilalim ng panukala, ang pondong kakailanganin para sa pagtatayo ng mga pabahay na ito, maging ang pagmimintina at iba pang gastusin sa pagpapatakbo nito, ay manggagaling sa Philippine Health Insurance Corp. at ibang pondo mula sa General Appropriations Act.

Maaari rin itong tumanggap ng donasyon at tulong mula sa mga lokal na mamamayan at maging mula sa ibang bansa.

Maaari rin itong tumanggap ng tulong mula sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor).

Ayon kay Bagasina, sa kasalukuyan ay mayroon ng sampung bahay-silungan na pinangunahang ipatayo ng pamahalaan sa buong bansa at kasama sa mga pasilidad dito ay ang maaaring mapaglibangan ng mga matatanda.

Dagdag pa ni Bagasina na layunin ng mga pasilidad na ito na mabigyan ng matutuluyan ang mga matatandang inabandona, kinalimutan na ng kanilang kamag-anak at kakalat-kalat sa lansangan.

Lahat aniya ng matanda ay may karapatang mabuhay ng normal kaya ang pamahalaan ang dapat na magbigay ng disente at normal na buhay sa kanila kung sila man ay inabandona na ng kani-kanilang pamilya.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply