Paghahabol sa tiwali pinepersonal ni PNoy

AMINADO si Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III na pinepersonal niya ang paghahabol sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.

Ito ang isa sa makabuluhang pahayag ng Pangulo sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA).

Nais umano ng Pangulo na protektahan ang mga mamamayan sa katiwalian sa pamahalaan kaya’t naging sariling kampanya na niya ang masugpo ang bulok na kalakaran sa mga ahensya ng gobyerno.

“May mga nagsasabing pinepersonal ko raw ang paghahabol sa mga tiwali. Totoo po. Personal talaga sa akin ang paggawa ng tama at ang pagpapanagot sa mga gumagawa ng mali— sino man sila. At hindi lamang dapat ako ang namemersonal sa usaping ito. Personal dapat ito sa ating lahat, dahil bawat Pilipino ay biktima nito,” ayon sa Pangulo.

Ayon pa kay Aquino, binibigyan niya ng prayoridad ang paghabol sa mga nagkasala na tiwali sa pamahalaan upang mapanagot ang mga ito at hindi na pamarisan.

“Kung hindi magbabayad ang mga nagkasala, parang tayo na rin mismo ang nag-imbita sa mga nagbabalak gumawa ng masama na umulit muli,” dagdag pa ng Pangulo.

Unang binanggit ng Pangulo na halimbawa ng katiwalian ay ang pagbebenta ng mga Arroyo ng kanilang lumang helicopter sa pamahalaan sa halagang “brand new,” sumunod ay ang pamumudmud ng mga regalo at salapi sa mga kaalyadong pulitiko gamit ang PCSO at ang maanomalyang ahensya ng PAGCOR.

Sa nasabing SONA ay inanunsyo rin ng Pangulo ang kanyang pagtatalaga sa dating Supreme Court Justice na si Conchita Carpio-Morales bilang bagong Ombudsman na ikinatuwa ng marami sa dumalo. Ben Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply