Pagpapaliban ng ARMM polls idedebate sa SC

IPINAG-UTOS ng Supreme Court (SC) na idaan sa debate ang usapin sa Republic Act 10153 o ang batas na nagpapaliban sa halalalan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na idaraos sana sa Agosto ng taong kasalukuyan.

Sa en banc resolution ng Mataas na Hukuman, nagtakda ang mga mahistrado ng oral argument kaugnay sa mga petisyon na humihiling na mapawalang-saysay ang naturang batas.

Sinabi ni SC spokesman Midas Marquez na minarapat ng mga mahistrado na idaan sa oral argument ang usapin upang matalakay nang husto ang mga isyu na bumabalot sa pagpapaliban ng halalan sa ARMM bago magpalabas ng desisyon ang mga mahistrado.

Itinakda ng Mataas na Hukuman ang debate sa Agosto 9.

Magugunita na naghain ng magkakahiwalay na petisyon sa korte sina House Minority Leader Edcel Lagman, ang partidong PDP-Laban at election lawyer Romulo Macalintal.

Salig sa kinukwestyon na batas, ang ARMM election ay isasabay na lamang sa May 2013 mid-term election.

Habang hindi pa idinaraos ang eleksiyon, may kapangyarihan si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na magtalaga ng mga officer-in-charge (OIC) sa rehiyon.

Iginiit naman ng mga tumututol na kontra ito sa Konstitusyon dahil taliwas ito sa awtonomiya na ibinibigay sa ARMM.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply