Pagyurak

KUMAKALAT sa internet ang larawan ni Pangulong Noynoy Aquino na mukhang kuha sa kanyang pribadong opisina.

Para sa akin ay masasabing hindi maganda ang pagkakakuha sa larawan at hindi maganda ang anggulo ni PNoy rito.

Makikita na halatang pagod ang Pangulo.

Sa kanyang lamesa ay may isang baso ng tila ba ay coca-cola, may malaking ashtray may isang kaha ng sigarilyo.

May isang blogger na nagmamalasakit na ang sabi ay mag-ingat sana ang mga tao ng Pangulo sa ganitong larawan na lumalabas.

Halatang hindi maganda ang intensyon ng nagpakalat sa larawan, halatang ang intensyon ay manira at yurakan ang simbolo ng pamahalaan.

Naalala ko tuloy ang isa sa pinaka-nakakaantig na larawan na nakita ko kay Pang. Cory Aquino na hanggang ngayon ay nakaukit pa sa aking isipan.

Ang larawan ay isang Cory Aquino, na ilang buwan pa lamang sa Palasyo bilang kauna-unahang babaeng lider ng Pilipinas, nakatayo sa harap ng kanyang working table, nakatukod ang mga kamay sa lamesa at tila masusing pinag-aaralan ang mga dokumento na nakalatag sa kanyang hapag.

Ang larawan ay nagpakita ng isang Pangulo na kahit hindi sinasadyang mailuklok sa pwesto ng kapangyarihan ay mataimtim at buong seryosong inaatupag ang kanyang araw-araw na responsibilidad sa bayan.

Siguro ang pwedeng depensa ng tropa ni Pnoy ay hindi mahigpit ang mga taong nakapaligid sa kanya, dahil siya ay ang uri ng Presidente na madaling lapitan, kaya nakalusot ang ganoong uri ng larawan.

Pero ang sabi naman ng iba pwede rin na sinadya ito ng ilang mga “ulupong” sa Palasyo na sad-yang inilabas ang pangit na litrato ni PNoy.

Mahalaga ang imahe lalo sa isang Presidente, kailangang maingat na walang lumabas na pangit na itsura dahil siya ay tinitingala at inaasahan ng sambayanan.

Isipin na lang halimbawa sa gitna ng problemang pinansyal ng bansa ay lumabas ang larawan ni PNoy na mukhang may sakit at nanghihina.

Ang hindi magandang larawan ni PNoy ay makaaapekto sa tiwala ng bayan, sa lakas ng loob ng mamamayan at maging sa paggalang ng buong mundo sa ating Pangulo.

* * *

Mag-text po kayo sa akin sa 09209280847 o mag-email sa: ariel.inton@gmail.com. Mahalaga sa akin na malaman ang inyong saloobin at opinyon tungkol sa isyung ito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply