Pajero bishops kinampihan ng Caritas

NAKAHANAP ng kakampi ang mga tinaguriang Pajero bishops, matapos ipagtanggol ng Caritas Manila at iginiit na wala silang ginawang paglabag sa Saligang Batas.

Ang pahayag ni Fr. Anton CT Pascual, Executive Director ng Caritas Manila- Social Service arm ng Archdiocese of Manila ay kasunod nang kontrobersiya hinggil sa pagtanggap umano ng ilang Catholic bishops ng pera at Mitsubishi Pajero mula kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na galing sa pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Nilinaw ni Pascual na ang pondong ibinigay ng PCSO sa ilang Obispo, pari at Church organization ay bahagi ng “critical collaboration” sa pagitan ng gobyerno at Simbahang Katolika para sa ‘common good’ ng mahihirap at kapuspalad na mga Pilipino na nakatira sa mga informal settlement at mga liblib na lugar sa buong bansa.

Ayon kay Pascual, nakikipagtuwang ang Simbahang Katolika sa pamahalaan sa mga programa nito para sa “common good” na itinuturo ng Catholic Social Teachings.

Nanindigan din si Pascual na malinis ang hangarin ng Simbahan sa pagtanggap ng pondo at sasakyan mula sa charitable institution ng pamahalaan para matulungan at mabigyan ng tunay na serbisyong ispiritwal at materyal ang mamamayang naninirahan sa mga liblib na
lugar na hindi naaabot ng serbisyo ng gobyerno.

Ani Pascual, kahit noon pa man ay nakikipagtulungan o nakikipag-collaborate na ang simbahan sa gobyerno tulad ng nakaraang administrasyon ng dating Pangulong Cory Aquino, Fidel Ramos, Joseph Estrada at Arroyo.

Malinaw din aniy sa mandato ng PCSO na ito ang pangunahing ahensiya ng pamahalaan sa pangangalap at paglalaan ng pondo para sa health, education, medical assistance, services at disaster assistance program.

Tiniyak rin ni Pascual na ang taumbayan ang nakinabang sa mga sasakyan at donasyong ipinagkaloob ng PCSO at hindi ang mga Obispo, pari at catholic organization kaya wala silang paglabag sa Saligang Batas.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply