Trillanes sa Palasyo: FOI Bill iprayoridad

LANTARANG kinalampag ni Sen. Antonio Trillanes IV ang Palasyo na gawing prayoridad ang Freedom of Information Bill sa halip na Reproductive Health Bill na hindi naman umano makatutulong sa kampanya ng administrasyon laban sa korapsyon na isa sa tutukan ng administrasyon ni Pangulong Benigno III.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Trillanes na may kabalintunaan sa prayoridad ng Palasyo hinggil sa legislative agenda nito dahil hindi naman kailangan sa ngayon ang RH Bill na kumakain ng mas maraming panahon ng Senado.

“Eto nga ang sinasabi ko, ngayon ang gusto nilang itulak sa Senado eh ito ng RH Bill. Sa totoo lang po eto ang kumakain ng panahon natin na hindi naman necessary,” ayon kay Trillanes.

Aniya, hindi naman population control president si Pangulong Benigno Aquino III kaya nararapat lamang na huwag munang pag-ubusan ng maraming panahon ang RH Bill, bagkus tutukan ng administrasyon ang FOI Bill na makatutulong sa kampanya laban sa korapsyon.

“Eh kasi etong FOI Bill, sabi ko eh hindi naman population control President si PNoy eh. Nung kampanya ang sinasabi nya, anti-corruption President sya, etong FOI Bill ang magso-solve nun. So ngayon, may irony tayo dito, kaya instead of focusing on that RH Bill, dito tayo, etong FOI Bill,” ayon kay Trillanes.

Nauna nang inihayag ni Senate President Juan Ponce Enrile na kailangan nang simulan ng Senado ang debate sa RH Bill na siyang tinugon ni Sen. Miriam Defensor-Santiago na nakahanda nang ipagtanggol ang panukala.

Sinabi pa ni Trillanes na kung nasa komite lamang nito ang FOI bill, matagal na niyang ipinagtanggol ang panukala tulad ng ilang panukalang batas na kanyang naipasa tulad ng madaliang pagpapalabas ng retirement pay ng mga pensiyonado sa gobyerno.

“Tayo po ang principal author nyan, tinututukan ho natin yan, pero the way it works dito sa Senate, kung sino ang nasa committee mo, yung  committee chairman ang key dyan. So pagka-hindi priority legislation yan eh, di talaga matututukan. Sakin kung nasa committee natin, why not, I’ll sponsor it right away,” ayon kay Trillanes.

Tulad ni Trillanes, itinutulak din ni Sen. Alan Peter Cayetano ang FOI Bill sa paniniwalang makatutulong ang panukala para masugpo ng pamahalaan ang korapsyon.

“Kung magkakaroon ng FOI Bill, hindi na mangingimi ang sinuman na malaman natin ang transaksiyon sa lahat ng sangay ng gobyerno dahil may karapatan na ang mamamayan na makuha ang anumang impormasyon sa bawat kontrata at bawat desisyon ng sinuman ng gobyerno alinsunod sa itinakda ng FOI Bill,” ayon kay Cayetano.

Sina Trillanes at Cayetano ay kapwa awtor ng FOI na kasalukuyang nakabinbin ngayon sa Senate committee on public information and media na pinamumunuan ni Sen. Gregorio “Gringo” Honasan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply