Palengke nilamon ng apoy; P200-M ari-arian naabo

HUMIGIT kumulang sa P200-milyon halaga ng mga ari-arian ang naabo sa naganap na tatlong oras na sunog na tumupok sa buong public market ng Calinog municipality sa lalawigan ng Iloilo kagabi, iniulat ng pulisya ngayong Biyernes.

Sa report na nakarating sa Camp Crame, sinasabing nagsimula ang sunog dakong 8:00 ng gabi sa carinderia section ng palengke.

Ayon sa Bureau of Fire Protection mabilis namang naiparating at nakaresponde ang mga pamatay sunog subalit dahil sa malakas na ihip ng hangin ay mabilis na kumalat ang apoy sa mga kiosk sa dry market.

Ang sunog ay tumagal ng tatlong oras bago tuluyang naapula sa tulong ng mga sumaklolong pamatay sunog mula sa mga karatig bayan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga arson probers, sinasabing natupok ng buo ang municipal public market na nagkakahalaga ng P23 milyon habang umaabot naman sa 500 ang mga stalls ang nadamay.

Napag-alaman na inutang pa ng bayan ng Calinog sa Government Service Insurance System (GSIS) ang pondo na ginamit sa pagpapatayo ng nasabing palengke at binayaran sa loob ng 11 taon.

Kabilang din sa tinupok ng apoy ay ang pag-aaring poultry supply at water refilling station ng alkalde ng bayan.

Sa ngayon, hindi pa rin matiyak ang pinagmulan ng apoy ngunit may hinala na maaaring may nangyaring short circuit sa carinderia section ng palengke kung saan unang nakita ng mga nakatalagang security na siyang pinagmumulan ng apoy.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply