Palimos sa parking

KARAMIHAN sa mga pampublikong paradahan sa mga shopping mall at ilang mga kalsada sa ating bansa ay may fixed parking rate o di kaya’y may babayaran kang halaga “FOR THE FIRST 3 HOURS” at may karagdagang bayad sa mga susunod pang oras o “SUCCEEDING HOURS” na nakalagay sa parking ticket. Ang mga ito ay sinusunod natin kahit nakasaad na “MANAGEMENT IS NOT LIABLE FOR ANY LOSS.”

Wala naman tayong magagawa kundi sumunod na lang sa patakaran ng mga shopping mall at ng mga lokal na pamahalaan na siyang nangangasiwa sa mga paradahang ito.

Ngayon, ang di alam ng karamihan sa ating mga lokal na opisyal ay ang talamak na pagsingil ng parking fee ng mga tambay at mga rugby boys sa ilang mga paradahan tulad na lamang sa isang barangay sa Makati na isang highly urbanized city.

Mula umaga hanggang alas-singko ng hapon, ang mga barangay tanod ng Brgy. San Antonio ay naka¬pwesto sa mga paradahan at naniningil ng parking fee sa mga pumaparada sa kanilang nasasakupan. Ang ikinaganda nito, may kasamang resibo na nagpapatunay na lehitimo at may permiso ang kanilang paniningil sa mga motorista. Pagkatapos ng alas-singko, libre na ang parking sa lahat – sa mga pumupunta sa mga restawran o sa mga bahay ng kaibigan, at maging sa mga magsisimba.

Subalit hindi ganito ang nangyayari isang minuto makalipas ang alas-singko ng hapon. Makikitang unti-unting naglalabasan ang mga tambay at rugby boys at naghihintay na ng motoristang mabibiktima nila at sisingilin ng kanilang sariling “PARKING FEE.”

Mula P35 hanggang P50 ang kanilang sinisingil sa mga motorista. Ang masama pa rito, pag humingi ka ng resibo, wala naman silang maibigay kahit isang piraso ng punit na papel.

Aba teka lang! Hindi naman tama yan. Ang kawa¬wang mga motorista ay napipilitan na lang magbigay dahil sa takot na baka pagbalik nila’y may gasgas o kaya’y may nawawala nang piyesa ang kanilang sasakyan.

Personal na akong nanakawan ng headlight wiper sa barangay na ito dahil sa hindi pagbibigay ng kanilang “PARKING FEE” na walang resibo.  Ang akin lang ay kung gusto niyo ng konting pang kain, humingi na lang kayo nang maayos. Hindi yung may FIXED RATE pa kayo!

Pero teka lang mga pare. Malamang ay hindi niyo alam ang Presidential Decree 1563 o ang tinatawag na ANTI-MENDICANCY LAW?  Ayon sa batas na ito na ipinasa noong Hunyo 11, 1978 pa, mahigpit na ipinagbabawal ang PAMAMALIMOS at MAGPALIMOS. Ito ay may kaukulang multa at pagkakakulong nang hindi hihigit sa dalawang taon sa unang paglabag at sa susunod naman ay hindi hihigit sa apat na taon ang iyong ilalagi sa bilangguan.

Ang nakaiinis pa, ang ibang nanghihingi ng limos ay di hamak na mas malaki pa ang katawan kesa sayo — magbanat naman kayo ng mga buto!

May isang matanda diyan sa Brgy. San Antonio na nagmamay-ari ng isang sari-sari store. Walastik! Pagsapit ng gabi, imbis na magpahinga na lamang pag¬katapos magtinda ay kay lakas-lakas niyang naniningil ng kanyang “FIXED PARKING RATE.”  Baka nga naman mas malaki pa ang kinikita niya sa paniningil kesa sa kanyang pagtitinda. Si tatay naman talaga o! Ang alam ko’y pag-umeedad na ang tao eh tumitino o bumabait na raw ito. Naturingan kang magulang kaya naman talagang nanggugulang ka pa tatay!

Ako po’y nananawagan kay Kapitana Rosario Go ng Brgy. San Antonio. Paki-aksyunan lang po!

o0o

Iniimbitahan ko po kayong makinig sa inyong lingkod tuwing Huwebes, 2:00 p.m. para sa INSIDE MOTORING RADIO sa DZRJ 810 AM. Inaanyayahan ko din kayong tangkilikin ang mga programang STOPLIGHT TV at INSIDE MOTORING TV na mapapanood sa PINOY EXTREME CHANNEL sa buong kapuluan. Sa kalak¬hang Maynila, ito ay nasa Global Destiny ch. 83, Cablelink ch. 33 and G-Sat ch. 7. Mapapanood rin ito sa iba’t ibang mga cable provider nationwide. Kung may mga kata¬nungan hinggil sa mga isyung motoring, motorsports at transportasyon, wag mag-atubili na makibahagi sa www.facebook.com/InsideMotoring o di kaya’y magtext sa 0918-4479006. Salamat po!

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply