Panibagong pahirap

KUNG ang nakaraang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang pagbabasehan, walang duda na puro kabutihan lang ng bayan at ng mga mamamayan ang kanyang hinahangad.

Kaya naniniwala ako na hindi papayag ang Pangulong Noy sa mga mungkahi nang ilan niyang advisers na sa kagustuhang madaragdagan ang laman ng kabang – bayan ay handang magpatupad ng policies kahit pa mahirapan ang taumbayan.

Kagaya na lang halimbawa nang plano nang Bureau of Internal Revenue (BIR) na ituloy na ang pagpapataw ng 12 per cent value added tax sa toll fees.

Sakali man na ipatupad na nang BIR ang plano nito na buwisan ang toll fees lalo pa nga at may desisyon na ang Supreme Court na pabor dito, malaking dagok na naman ito sa mga mamamayan partikular sa mga motorista.

Kapag ipinatupad ang buwis sa toll fees, inaasahan na kikita ang BIR ng hindi bababa sa P2 bilyon kada taon mula rito. Medyo malaking pera rin ito na malilikom ng grupo ni Comm. Kim Henares subalit naniniwala ako na hindi basta papayag dito si Pangulong Noynoy.

Alam kasi niya na mabigat ito at maraming sektor ang direktang matatamaan ng hakbang na ito.

Nagkakamali sina Commissioner Henares kung sa akala nila ay iyong mga mayayaman lang na may sariling mga sasakyan ang gumagamit ng expressways at dahil dito ay hindi nila masiyadong mararamdaman ang bagong buwis.

Sa totoo lang, sa mga expressway rin dumaraan ang mga passenger bus at maging ang mga delivery van at truck na naghahatid ng mga kalakal gaya nang pagkain, gulay, isda at marami pang iba. At kapag nadagdagan pa ang dati nang mataas na bina-bayaran nila sa sa toll ways, obligado sila na bawiin ang mga gastos nila sa pamamagitan ng pagtataas ng presyo ng kanilang mga paninda.

At kapag tumaas ang presyo ng kanilang mga kalakal, natural na tataas din ang presyo nila pagdating sa mga palengke kung saan doon namimili ang mga misis ng ihahain nila sa kanilang hapag kainan.

Sa madaling salita, kapag itinuloy ng BIR sa pamamagitan ng Toll Regulatory Board ang paniningil ng buwis, higit na maraming mamamayan ang mahihirapan kaysa makikinabang.

Kumbaga sa kasabihan, kabayo ang pinalo pero sa kalabaw lumatay.

Kaya tiwala ako na hindi papayagan ni Pangulong Noynoy na ipatupad ang panibagong pahirap na ito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply