Panig sa OFW o panig sa recruitment agency?

PATULOY na nga bang nawawalan ng tiwala ang mga OFW sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na dapat sana’y magsisilbing tagapagtanggol ng mga naaapi nating mga kababayang OFW?

Pakiramdam nila, aping-api na nga sila mula sa ibayong dagat, pagdating pa rin ba dito sa Pilipinas, api-apihan pa rin sila?

Mula sa Iloilo, nag-apply si Vifellia Alarcon sa AIMS Agency patungong Hong Kong. Nagbayad siya ng P85,000 cash bilang placement fee. Dahil sa laki ng gastos, determinado siyang pagbutihin ang pagtatrabaho at nang makabawi naman at makapag-padala din ng malaki-laki sa Pilipinas.

Chinese New Year noon. Pinapunta si Vifellia ng kanyang employer sa bahay ng mga magulang nito upang maglinis at magluto. Dahil hindi siya marunong mag-Cantonese at hindi rin naman marunong mag-English ang mga matatanda, kung kaya’t nagkasya na lamang sila sa senyasan.

Nang dumating ang kanyang employer sa bahay ng magulang, nag check ito at sa buong kabahayan at sinabing marumi pa rin ang nilinis niya. Ngunit nagpaliwanag itong si Vifellia na talagang nilinis na niya iyon nang paulit-ulit, sadya nga lamang na kapit na kapit ang dumi ng naturang bintana at hindi makukuha sa unang linisan.

Pinagalitan siya ng employer. Pinatayo ng mahigit isang oras sa harapan nito upang marinig ang lahat ng sermon at pagalit niya. Ngunit nang hindi na makatiis, sumagot si Vifellia at sinabing hindi kasama sa kontratang pinirmahan niya na papuntahin siya sa ibang bahay upang paglinisin. Ipinagdiinin pa niya na bawal ang pinagagawa sa kanya ng kanyang employer. Dahil 2 beses sa isang linggo siyang pinagtatrabaho doon. Dagdag pa ng ating OFW, sinabi niya sa among pareho ‘anya silang makukulong kapag nahuli sila.

Doon nagalit ang amo niya. Sumasagot pa ‘anya ito. Isinumbong siya sa CT Maid agency na siyang counterpart ng AIMS sa HK at pinagalitan din. May 3 beses na nagsumbong ang amo at palagi naman siyang pinapagalitan.

Sa bandang huli’y humanap na lamang ng dahilan ang employer upang mapaalis si Vifellia. Hindi daw ito marunong magpakain sa bata. Hindi sumusunod sa mga utos niya at maraming reklamo. Gayong ayon sa ating OFW, 6:00 am ang gising niya at kung matulog naman siya’y 12:00 ng madaling araw na.

Nang bandang huli, tinanong ni Vifellia kung bakit siya tinatrato ng ganoon ng kanyang employer gayong nagtatrabaho naman siya ng maayos. Sa puntong iyon, pinag-empake na siya ng kanyang mga gamit at inihatid ng mag-asawang employer sa CT Maid Agency. 2 buwan at 13 araw lamang siyang nagtrabaho doon.

Ayon sa CT Maid, sinabi ‘anya ng employer ni Vifellia na siya ang may gustong putulin na ang kaniyang kontrata at uuwi na lamang sa Pilipinas. Na pinasinungalingan naman ni Vifellia dahil hindi totoo ang lahat ng sinabi ng kanyang employer sa agency.

Sa Hong Kong maaaring mag-terminate ang employer, basta’t babayaran lamang nito ang halaga ng isang buwang pagtatrabahuhan pa sana ng OFW at may 14 na araw siya na maaaring manatili pa sa HK upang makakuha ng panibagong employer. Hindi nila ikinukunsidera doon na ang isang OFW bago makaalis ng bansa, sangkatutak na ang ginasta para lamang sa kanilang placement fee at marami pang mga pinagka-gastusan.

Palibhasa’y 14 na araw lamang ang palugit ng kanyang pananatili sa Hongkong, wala itong inaksayang panahon. Naghanap agad siya ng employer. At mayroon naman siyang nakitang interesadong kumuha rin sa kanya mula sa North Point.

Agad siyang pinapirma ng kontrata ng Sunlight Agency sa HK. Pinagbayad siya ng 750 Hongkong dollars bilang processing fee. At huling araw na kasi ng visa niya iyon, kung kaya’t bumalik na siya ng Pilipinas. Binilinan siya na magtungo sa ASCEND Agency dito sa Pilipinas na siya namang counterpart nila upang doon mag-proseso ng kanyang dokumento.

Luhaang umuwi si Vifellia sa Pilipinas. Talo at baon’ sa utang. Ngayon higit siyang determinado na ituloy ang nasimulan. Sumubok ulit siya. Kaya naman nagtungo na ito sa Ascend Agency.

Pinagbayad naman agad siya ng 300 US dollars at P15,000. Pinagmedical at dental exam pa siya. Ngunit ayon kay Vifellia, pinabuka lang ang bibig niya at pina-Ahhh lang siya nung dentist sa St. Peter Clinic na pinagpapadalhan ng Ascend, at siningil na siya ng P600 para lamang doon.

Mahigit 2 buwan siyang naghintay upang muling makabalik ng HK. Maghihintay daw ang kinatawan ng Sunlight Agency sa airport upang sunduin siya. Ngunit gabing-gabi na walang sundong dumating. Gutom na gutom na ‘anya siya at wala pang pera. Doon naalala ni Vifellia ang Worker’s House sa HK na nagpatira sa kanya noong una siyang naterminate. Nang tinawagan niya ito, agad siyang binigyan ng instruksyon na sumakay na lamang ng taxi at magpahatid doon at kinupkop ang kaawa-awang OFW.

Kinabukasan, pinapunta siya ng Sunlight agency sa kanilang tanggapan. Ngunit nanatili pa siya doon sa loob ng 9 na araw pa dahil nasa China pa raw ang kanyang employer. Ang masaklap, nang dumating ang bagong amo, hindi na raw niya itutuloy ang pagkuha sa ating OFW dahil nakapagdesisyon siyang lumipat na lang ng China at hindi na titira sa Hong- kong.

Sa ikalawang pagkakataon, bigo na naman si Vifellia. Umuwi na naman siya sa Pilipinas na higit na malungkot at luhaan. Akala niya’y makakabawi na siya, ngunit lalo pang nadagdagan ang kanyang mga ginastos at wala namang bumalik sa kanya.

Huling pag-asa niya ang pagsasampa ng magkasunod na reklamo sa dalawang ahensiyang nagpaalis sa kanya, ang AIMS at ang ASCEND. Agad naitakda ang paghaharap sa conciliation ng POEA. Ngunit nadismaya ang ating OFW dahil noong Hulyo 19, 2011, ang araw ng kanilang pagdinig, sinabi ‘anya ng babaeng conciliator sa POEA na “kung titingnan panalo ka, pero kung ako ang agency, hindi ako magbabayad ng halagang kinuwenta mo ayon sa hindi nasunod na kontrata.”

At ipinarinig pa nito sa kinatawan ng ahensiya. Kaya naman ng sumunod na pagdinig, wala nang dumalo sa agency.

Ngayon wala na ‘anya siyang maaasahang kakampi pa. Kaya ang tanong niya…panig po ba sa agency ang POEA? Kaya muling bumalik ito sa Bantay OCW upang ilahad ang masakit na karanasan, hindi na sa HK, kundi sa POEA mismo.

oOo

Bantay OCW programs:
TELEBISYON: NBN Channel 4 (Monday to Friday 10:10pm -11:10pm)  www.ptni.tv
RADYO : RADYO INQUIRER 990 DZIQ AM  (Monday to Friday 7:00-8:30pm) www.dziq.am BANTAY OCW FOUNDATION OPERATIONS CENTER  (Monday to Friday 8:00-5:00pm)
631 Shaw Boulevard, Mandaluyong City
Telephone Numbers:  5357209, 8819423 at 09192140699.
Email: susankbantayocw @yahoo.com  / bantay ocwfoundation@yahoo.com.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply