Paolo Contis walang planong pakasalan si Lian Paz

PROUD at masaya si Paolo Contis dahil isinama siya sa game show ni Manny Pacquiao na “Manny Many Prizes.” Magmula kasi nang makasama na niya si Manny sa “Show Me Da Manny” ay naging close na sila ng Pambansang Kamao. Parang kapatid na raw ang turing sa kanya nito.

Ask naman about being a father and husband kay Lian Paz, hands on dad pa rin daw siya kahit sa second baby nila. One year and three months na ang panganay nila na si Xonia Aitana at three months naman ang bunso na si Xalene.

Hindi naman raw pinagseselosan ng panganay ang kanilang bunsong anak. In fact, naaaliw pa nga raw ito sa kanyang baby sister.

“Akala siguro niya, manika! Minsan kasi hinahatak o kaya naman dinadaganan ng unan. Pero kapag nakita niyang gumalaw, tuwang-tuwa! Sabi niya siguro ay buhay pala. Ha! Ha! Ha!!” tsika ni Paolo.

May balak na ba silang magpapakasal ngayong dalawa na ang kanilang anak?

“Siguro in 2 years time kung magpapakasal. Ipun-ipon muna ngayon dahil nakakaloka, nalaman ko yung isang school, kapag two years old na si Xonia, P120,000 na ang tuition fee! Maglalaro lang ganoon kamahal! Sabi ko, puwede akong makipaglaro sa kanya o kaya yung mga bata sa street! Ha! Ha! Ha!”

Kapag natuloy raw ang laban ni Manny sa U.S ay plano nilang dalhin si Xonia para manood ng laban, pero pinag-iisipan pa rin nila dahil maiiwan yung bunso.

Samantala, nagpasalamat din si Paolo sa mga big bosses ng GMA-7 sa pag-intindi sa kanya nang hindi niya paglabas sa “Amaya,” sa halip ay isinama siya sa Futbolilits na pambata.

“Mas okey ako dito sa “Futbolilits” at least dito puwede ipapanood sa anak ko. Kontrabida pa rin pero may pagka-comedy. Yung sa Amaya, okey naman kaso, kilala ninyo naman kasi ako, gusto ko kapag may gagawin akong project ay 110% ready ko.”

Dahil larong football ang bagong show with Raymart Santiago ay plano ni Paolo na mag-training ng nasabing laro. Nahihiya raw siya dahil naturingan isang Italyano pero hindi naman siya naglalaro nito.

***

MATAGAL nang pangarap ni Manny Pacquiao na magkaroon ng game show kaya laking pasalamat niya sa GMA-7 dahil natupad ito sa “Manny Many Prizes” na magsisimula sa Sabado (July 16) at 6:00 p.m.

“Matagal ko nang pangarap na magkaroon ng game show sa TV para makatulong sa mga kababayan nating naghihikahos sa buhay. Salamat sa GMA 7 at tinupad nila ang pangarap ko.

“Sa pilot episode pa lang ng Manny Many Prizes ay magbibigay na kami ng house and lot sa mapalad na contestant. Gusto ko kasi mag-share ng blessing sa mga kababayan lalo na doon sa mga karapat-dapat na tulungan,” pahayag ni Pacman

Ipinagtapat din niyang co-produced nila ng GMA ang Manny Many Prizes. Hindi na niya sinabi kung paano ang sharing nila ng GMA 7. Basta ang mahalaga raw ay magkakaroon na rin ng pagkakataon ang mga kababayan natin umasenso sa buhay sa pamamagitan ng pagbibigay niya ng cash, house and lot at mamamahaling kotse. Hindi lang ang mga magiging contestant ng MMP ang masuwerte, maging mga co-host ni Pacman sa game show na sina Rhian Ramos, Isabelle Daza, Gladys Guevarra, Paolo Contis at Onyok Velasco ay mapalad din dahil nangako si Manny kahit saan mapunta ay doon nila gagawin ang pamimigay ng papremyo.

Nangako kasi si Manny na kapag may laban siya ay America at saan mang sulok ng mundo ay hindi niya iiwanan ang pagho-host ng MMP.

“Kapag may laban ako sa America, doon namin gagawin ang pamimigay ng premyo sa show. Isasama ko sila at doon kami magpapatuloy ng show,” say ni Pacman.

Hindi na raw mangyayari na kapag may laban siya sa ibang bansa ay pansamantala siyang mawawala sa kaniyang programa tulad ng sitcom niyang “Show Me Da Manny” na may nagsa-substitute sa kanya para di mabakante ang role na ginagampanan niya sa sitcom.

Sa tanong na magkakatapatan sila ng show ni Willie Revillame,sabi Manny, hindi niya inisip ang tapatan.

“Walang personalan. Ang sa akin lang ay mag-share ng blessing at hindi para makipagtapatan. Masaya yung may programang namimigay ng pa-premyo sa mga kababayan natin nangangailangan,” katuwiran ni Congressman Manny.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply