PCSO babalatan sa $1.9-M deposito

TINIYAK ng isang senador na hindi palalampasin ng Senado ang illegal transfer ng halagang $1.9 milyon sa pribadong bangko ng kasalukuyang mga opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kahit nakuha na ang naturang pondo.

Sa lingguhang Kapihan sa Senado Forum, sinabi ni Sen. Francis “Chiz” Escudero na kanyang “babalatan” ang kasalukuyang board ng PCSO sa susunod na pagdinig dahil hindi masyadong naungkat ang umano’y illegal transfer sa United Coconut Planters Bank (UCPB).

“Ayon kay board member (Maria Aleta) Tolentino sabi daw ng mga opisyal ng UCPB puwede raw. Tanong ko, ‘why did she take their word for it’ porke ba sinabi?” ayon kay Escudero.

Naunang inamin ni Tolentino sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na nagkamali ang board sa pagdeposito ng $1.9 milyon sa UCPB sa pag-aakalang pag-aari ng gobyerno ang bangko.

“Sabi niya (Tolentino) konti lang naman daw, P80 million lang naman daw at ilang buwan lang naman daw. The fact is, bakit ba nila naisip na i-transfer ‘yan o ilipat? Anong motibo o dahilan o rason para ilipat iyun? Hindi ko rin maintindihan,” ani Escudero.

Sinabi pa nitong may pananagutan sa batas si Tolentino dahil mali at iligal ang paglilipat ng pondo ng pamahalaan sa pribadong bangko.

Tanging ang Development Bank of the Philippines (DBP) at Land Bank of the Philipppines (LBP) ang mga bangkong maaaring paglagakan ng pondo ng gobyerno.

“May kasabihan sa English at prinsipyo sa batas na ‘ignorance of the law excuses no one from compliance therewith,’” paliwanag ng abogadong senador.

Sinabi pa ni Escudero na may pananagutan din ang kasalukuyang board sa alituntunin ng Department of Finance dahil kailangang may pahintulot ng kagawaran bago maglipat ng pondo ng pamahalaan sa pribadong bangko.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply