PCSO intel fund scam sisiyasatin ng Ombudsman

NAKAKASA nang siyasatin ng Office of the Ombudsman ang kontrobersiyal na Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) intelligence fund scam.

Napag-alaman na lumikha na si Acting Ombudsman Orlando Casimiro ng special panel na magsasagawa ng fact-finding investigation sa mga alegasyon na hindi ginamit ng tama ang intel fund ng PCSO.

Tututukan umano ng pagbubusisi ng Ombudsman ang proseso kung papaanong nailabas ang pondo.

Inilabas ng Ombudsman ang nasabing kautusan matapos na mabulgar sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ang iregularidad sa paggamit sa intel funds.

Ipinag-utos na rin ni Casimiro ang paglulunsad ng imbestigasyon sa reklamo ng dalawang advertising agencies laban kay PCSO Public Relations and Publicity Department Manager Manuel Garcia.

Inakusahan si Garcia na humihingi ng halos P29 milyon kapalit ng mga bayad sa mga patalastas ng nasabing ahensiya.

Sa ibang kaso, inaprubahan na rin ni Casimiro ang rekomendasyon na makasuhan sa Sandiganbayan sina dating Cebu Rep. Clavel Asas Martinez; dating Bogo, Cebu Mayor Celestino A. Martinez III at lima pang opisyal dahil sa malversation.

Kabilang sa akusado sina municipal treasurer Rhett E. Minguez, municipal accountant Cresencio P. Verdida, bookkeeper Rhodariza V. Kilantang, GSP (Girl Scouts of the Philippines) Cebu Council cashier Julieta G. Quino at dating GSP treasurer Maria Cielo A. Martinez na anak ng nasabing dating mambabatas.

Kinasuhan ang nasabing mga opisyal ng paglabag sa Section 3 (e) ng RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act).

Nag-ugat ang kaso sa reklamong inihain ng Office of the Ombudsman-Field Investigation Office (OMB-FIO) na nag-aakusa na mula noong Setyembre hanggang Oktubre 2003, nagsabwatan ang mga akusado para ma-misappropriate ang pondong nagkakahalaga ng P10,000,000 para sa personal na kapakinabangan ni Martinez. Robert C. Ticzon

 

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply