Philippine Heart Center sinubasta na

SINUBASTA na ng Quezon City goverment ang Philippine Heart Center (PHC) bago magtapos ang nagdaang linggo.

Ikinasa ang pagsubasta sa nasabing pampublikong ospital dahil sa kabiguang mabayaran ang real property tax na nagkakahalaga ng mahigit P46 milyon.

Ayon kay City Administrator Victor Endriga, ang nasabing pagsubasta sa PHC ay resulta ng paulit-ulit na kabiguan ng pagamutan na bayaran ang lokal na pamahalaan ng buwis kahit ilang warrants of levy na ang ipinadala sa mga tangapangasiwa nito.

Natuloy ang subasta sa PHC matapos ideklara ng City Assessor’s Office na pinamumunuan ni Jose Castro na maaaring buwisan ang nasabing institusyon, paliwanag pa ni Endriga.

Naganap ito kahit ikinakatwiran ng PHC officials, sa pangunguna ni executive director Dr. Manuel Chua Chiaco Jr., na hindi maaaring patawan ng buwis ang ospital sapagkat isa itong government owned and controlled corporation (GOCC).

Nilinaw naman ni Endriga na sinusuportahan ng Philippine Law on Local Government Taxation o RA 7160, Local Government Code of the Philippines, at QC Revenue Code ang posisyon ng pamahalaang lungsod na maaaring mabuwisan ang PHC.

Samantala, iginiit naman ni City Treasurer Edgar Villanueva na kahit ang PHC charter ay nagsasaad na maaari nang patawan ng buwis ang Heart Center matapos ang pagkakatatag nito noong Marso 19, 1975.

Nakasaad kasi sa PHC charter, na exempted lamang sa buwis ang PHC sa loob ng 10 taon.

“The 10-year tax holiday of PHC already ended in 1985, thus it is taxable. Now, PHC does not enjoy any property tax exemption privileges for its real properties as well as the building constructed thereon after the expiration of ten years from its creation,” ayon pa kay Villanueva.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply