Pimentel biktima ng dayaan sa Maguindanao – Migz

NANINIWALA si Sen. Juan Miguel Zubiri na maaaring biktima lamang si Atty. Aquilino “Koko” Pimentel II sa naganap na malawakang dayaan sa Maguindanao tulad nang ibinulgar ni dating ARRM Gov. Zaldy Ampatuan.

Sa pahayag, sinabi pa ni Zubiri na kung nagkaroon man ng dayaan sa ginanap na senatorial elections sa Maguindanao, wala siyang kinalaman sa pangyayari, at sa halip maaaring biktima din siya ng collateral damage sa manipulasyon ng halalan.

Ibinulgar ni Ampatuan na nagkaroon ng dayaan sa 2007 senatorial elections sa Maguindanao na minanipula ni dating Election Supervisor Lintang Bidol na siyang lumantad din ngayon upang patunayan ang akusasyon laban kay dating Pangulo, ngayon Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Sinabi nina Ampatuan at Bidol na nakinabang si Zubiri sa naganap na dayaan na mahigpit na pinabulaanan naman ng senador na nalalaman niya ang manipulasyon ng halalan sa lalawigan.

Dahil dito, hiniling ni Zubiri sa kanyang kritiko na huwag lamang tingnan ang sinasabing dayaan sa Maguindanao dahil nagkaroon din ng dagdag-bawas sa ibang lugar tulad sa Metro Manila na kung saan isa siya sa naging biktima.

Iginiit ng senador na dinaya rin siya sa ginanap na halalan sa Metro Manila kung saan malaki aniyang boto ang nawala sa kanya na nasa 211,403 votes at malinaw umanong may nakinabang dito kabilang na si Pimentel.

Maliban dito nasa 1.6 million ballots pa ang hinahabol umano ni Zubiri kung saan inaasahan na madagdagan pa ang kanyang nakuhang boto.

Matagal na rin daw nitong isinuko ang resulta ng halalan sa Maguindanao sa halip ay ipinaglalaban ang kanyang mga nawalang boto sa Kamaynilaan.

Ipinaubaya na ng senador sa Senate Electoral Tribunal ang pagpasya sa kanyang protesta kung saan  inaasahang magpapalabas na ng disisyon sa darating na buwan ng Setyembre.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply