Ping may bagong ebidensiya sa Jose Pidal scandal

MAY bagong balang ipinagmamalaki si Sen. Panfilo “Ping” Lacson na ipapatama kay dating First Gentleman Mike Arroyo oras na magsimula ang Senado sa pagsisiyasat sa Jose Pidal scandal.

Ibinunyag ni Lacson na may hawak siyang ebidensiyang magpapatunay na si Arroyo talaga ang Jose Pidal at hindi ang kapatid nitong si Negros Occidental Rep. Ignacio “Iggy” Arroyo.

Tiniyak pa ng senador na sa pagpapatuloy ng pagdinig sa Jose Pidal scandal, makakasuhan na sa korte ang magkapatid dahil sa ginawa nilang pagsisinungaling sa publiko.

“Pareho sila (makakasuhan),”pagdidiin ni Lacson.  “Unang-una, nagsinungaling na sila sa Senado at kaya kong patunayan na hindi talaga si Iggy (ang Jose Pidal), kasi may bagong evidence naman na lumabas na magpapatotoo na si FG (First Gentleman) talaga si Jose Pidal.”

Idinagdag pa ng senador na kahit noon pang ibinunyag niya na mayroong Jose Pidal account si Mike Arroyo upang magamit sa money laundering activities nang mag-privilege speech siya na may pamagat na “Incredible Hulk” noong 2003, nakatitiyak siyang ang asawa ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang nagmamay-ari ng nasabing account.

Inabot ng halos dalawang linggo matapos ang speech ni Lacson bago lumitaw si Iggy, na noon ay hindi pa kongresista, at akuin ang nasabing account. Upang patunayan ito ay pumirma pa si Iggy ng pangalang “Jose Pidal.”

Duda naman si Lacson sa pag-ako ni Iggy sa nasabing account dahil sa wala naman itong trabaho at negosyo, bukod pa sa hindi nakapagbayad ng income tax return (ITR).

“Pareho naman silang sinungaling,” sambit pa ni Lacson.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply