Piston sumuporta sa bagong pamunuan ng DOTC

MARIING nagpahayag ng suporta ang grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operaytors Nationwide (Piston) sa pag-upo ni dating senador Mar Roxas bilang kalihim ng Department of Transportation and Communications (DOTC).

Umaasa si Piston secretary general, George San Mateo, na magsisilbi ngang gamot si Roxas sa mga problema lalo na sa transport sector tulad ng ipinangako nito.

Gayunman, binigyang diin ni San Mateo na dapat patunayan kaagad ni Roxas na siya nga ang “paracetamol” ng gobyerno sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga polisiyang papabor sa taumbayan at maging sa kanilang hanay.

Bukod dito, naglatag ng tatlong kahilingan ang grupong Piston kasabay ng pormal na pagsisimula sa tungkulin ni Roxas.

Hiniling nia na kansalehin na ang naka-ambang pagsasapribado at pagtataas ng pamasahe sa Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) para sa kapakanan ng publiko.

Iginiit ni San Mateo na dapat nang bawiin ng DOTC ang kapangyarihang mayroon ang Land Transportation Office (LTO) na magpataw ng napakataas na buwis at malulupit na parusa o multa sa mga transport sector.

Hiniling ni San Mateo na kanselahin na ang kontrata ng LTO sa kumpanyang Stradcom at i-take over na lamang ng gobyerno ang computer system ng naturang ahensya.

Kaugnay nito sumusuporta rin kay Roxas ang Association of Concerned Transport Operators ACTO).

Ayon kay ACTO president, Ka Efren De Luna, buo ang kanilang suporta kay Roxas at naniniwala sila na hindi ito magpapadala sa mga sulsol dahil sa may sariling paniniwala ang dating senador.

Matatandan na nagbigay ng liham ang grupo ni De Luna sa bagong DOTC secretary, nilalaman nito ang mga kahilingan ng mga transport sector.

Una rito ay ang  pagpapatuloy ng computerization na nakatutulong upang maapula ang mga nanganganak na plate number, ikalawa ang baguhin ang sistema ng driver’s license nang maging mas madali ang renewal, ikatlo ang mga fines o multa na ibinibigay sa mga nahuhuling mga drayber na pataas ng pataas at sa kalaunan ay dahilan upang marevoke ang lisensya ng mga drayber, ika-apat ang smoke belching na dapat aniya’y magkaroon ng standard sa mga makina na ginagamit ng bansa at ika-lima ang pagkakaroon ng regular na dayalogo upang malaman ang saloobin ng mga drayber. Johnny F. Arasga

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply