Plastic, styro ban pinaigting ng CENRO

MAHIGPIT na binabantayan at ipinatutupad ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) ang ordinansa ukol sa paggamit ng styro at plastic.

Sinabi ni Oliver Gonzales, hepe ng CENRO sa lungsod ng Batangas, na puspusan ang pagmo-monitor ng kanilang pamunuan upang siguruhing sumusunod ang lahat sa panukalang batas na ito.

Dagdag pa ni Gonzales, may kaukulang parusa tulad ng multa ang mga mahuhuling lumabag dito. Nanawagan din siya ng pakikiisa at pakikipagtulungan ng mga Batangueño upang maipatupad ng maayos ang nasabing batas.

Sa nasabing ordinansa, nakasaad din na ang lahat ng tindahan tulad ng malls, wet and dry markets, groceries at pharmacies ay dapat gumamit ng environment friendly na bags sa halip na plastic o styropor.

Ayon pa kay Gonzales, ang mga plastic bag at styropor ang nagpapalala ng baha sa lungsod sapagkat bumabara ito sa mga drainage at daanan ng tubig at maraming taon pa bago ito mabulok o matunaw.

Bunsod nito, hinimok din ng CENRO ang mamamayan na magdala ng sariling lalagyan kapag mamamalengke o grocery upang makatulong sila na mabawasan ang basurang nakakalat sa lansangan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply