Plunder case vs GMA ‘di uusad’

MALAKI ang tiwala ni dating Justice Secretary Raul Gonzalez na hindi uusad ang panibagong plunder case na isinampa laban kay dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo.

Sinabi ni Gonzalez na malinaw ang probisyon ng batas hinggil sa plunder charges at hindi ito applicable sa kasong pag-apruba umano ng dating Pangulo sa intelligence fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Aniya, maliwanag na harassment ang naturang mga kaso at kumbinsido itong gagamitin ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang nasabing plunder case kontra kay Arroyo sa darating nitong State of the Nation Address (Sona).

Sinabi pa ni Gonzalez na pinupuntirya masyado ng gobyernong Aquino si Arroyo para mapagtakpan nito ang katotohanan na wala itong nagagawa para sa bansa.

Nakahanda rin si Gonzalez na patunayan na nasa Malakanyang si dating Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Zaldy Ampatuan nang maganap ang Maguindanao Massacre.

Ayon kay Gonzalez totoong kasama niya si Zaldy Ampatuan sa Malakanyang noong araw ng masaker, tulad ng alibi nito.

Gayunman, nilinaw ni Gonzalez na ibang usapin na ang kasong conspiracy dahil hindi naman kailangang nasa crime scene ang isang tao para madiin sa krimen.

Sinabi ni Gonzalez na batay sa plunder law, dapat ang mismong inihahabla ang nakinabang sa pera o nagkaroon ng personal gains.

Ayon kay Gonzalez, sa kaso ni Arroyo ay ginamit nito ang intelligence fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) hindi para sa kanyang sarili kundi para sa pagbabayad ng “blood money” ng mga overseas Filipino worker na may kaso sa ibang bansa at sa iba pang bagay.

Mas angkop aniya na technical malversation of funds ang kasong isinampa laban kay Arroyo at hindi plunder case.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply