PNoy susi sa ikalulutas ng problema sa Luisita

NASA kamay ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III ang ikalulutas ng sigalot sa pagitan ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita at pamilya Cojuangco na may-ari  ng nasabing lupain, ayon sa mga nakatataas na mga opisyal ng Simbahang Katoliko.

Kaya hinimok ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) – National Secretariat for Social Action Justice and Peace (NASSA) si Pangulong Aquino na makialam na sa naturang land dispute.

Ayon kay CBCP-NASSA executive secretary Fr. Edwin Gariguez,  hindi dapat maghugas-kamay ang Pangulo sa katuwiran nitong isinuko na nito ang kanyang bahagi sa naturang ari-arian dahil sangkot pa rin ang kanyang pamilya sa nasabing gusot.

Ani Gariguez, dapat himukin in Pangulong Aquino ang kanyang mga kaanak na gawin kung ano ang tama.

“(Aquino) is not only the President, he is also a Cojuangco. He should ask his relatives to do what is right,” ayon kay Gariguez sa pahayag nito sa Union of Catholic Asian News (Ucan) website.

Ang pamilya ng ina ng Pangulo na si yumaong dating Pangulong Corazon Cojuangco-Aquino ang may-ari ng naturang hacienda.

Una naman nang nagbabala si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-NASSA, ng posibleng “rural unrest” kung mananatiling tahimik ang Pangulo ukol sa kontrobersiya.

Ani Pabillo, maaaring sumiklab ang rural unrest sa kawalan ng tunay na pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program with extension and reform (CARPer) Law.

Anito, hindi dapat maging “neutral” ang isang Pangulo ng bansa kung ang sangkot sa isyu ay repormang pang-agraryo at kapakanan ng mga magsasaka.

Hamon pa ng obispo, patunayan ni Pangulong Aquino na makamahirap siya sa pamamagitan nang pagpanig sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita.

Iginiit ni Pabillo na ang pagpapamahagi ng lupa sa mga magsasaka ang tanging daan upang magkaroon ng hustisya at economic sustainability.

“As Chief Executive, he cannot continue washing his hands on this issue,” ani Pabillo. “What kind of presidency does he hope to offer this country if he cannot even make his own family relinquish its stranglehold on properties that in the first place were acquired through government resources?”

Ang pagkabuhay ng Hacienda Luisita land dispute ay kasunod nang pagbawi ng Korte Suprema sa stock distribution option (SDO) na unang inialok sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita, Inc. (HLI) management.

Sa ilalim ng SDO, binibigyan ng opsyon ang mga magsasaka na makakuha ng shares of stocks sa HLI sa halip na mabigyan ng sariling lupa.

Sa halip, inatasan ng Korte Suprema ang Department of Agrarian Reform (DAR) na magsagawa ng panibagong referendum sa mga farm worker upang tukuyin kung nais ba talaga ng mga magsasaka ng stocks o ng lupa.

Nanindigan naman si Pabillo na sakop ng kapangyarihan ng Pangulo na atasan ang DAR na ipamahagi ang lupa, alinsunod sa isinasaad at mga kondisyon ng agrarian reform law.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply