PNoy tiniyak na ‘di gagawing state witness si Zaldy

TINIYAK ngayon ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino na hindi gagawing state witness sa Maguindanao Massacre case si dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Governor Zaldy Ampatuan.

Ginawa ng Pangulo ang pagtiyak matapos ang dalawang oras na closed-door meeting sa mga kaanak ng 26 na biktima ng masaker sa pangunguna ni Maguindanao Governor Esmael “Toto” Mangudadatu.

Sa nasabing pulong, humingi ng paglilinaw ang mga kaanak ng biktima ng masaker kung totoo bang may balak na gawing state witness si Zaldy Ampatuan.

Nagbigay ng dalawang dahilan si Justice Secretary Leila de Lima kung bakit sumang-ayon ang Pangulo na hindi puwedeng gawing state witness si Zaldy.

Una, walang alok si Zaldy na maging state witness at pangalawa ay patuloy na paggigiit nito na wala siyang kinalaman sa pagpaplano ng masaker – kondisyon para maging state witness na umaming may alam sa krimen.

Tiniyak pa ni Aquino kay Maguindanao Gov. Esmael “Toto” Mangudadatu at sa iba pang kamag-anak ng mga biktima ng Maguindanao massacre na gagawin ng kanyang pamahalaan ang lahat para makamit nila ang hustisya.

Ginawa ng Pangulo ang pagtiyak matapos magpahayag ng pagtutol ang ilang kamag-anak ng biktima ng masasaker at private prosecutors na kuning testigo ng gobyerno si Zaldy.

Si Zaldy ay kabilang sa pamilya ng Ampatuan na inaakusahang sangkot sa masaker at 57 katao ang namatay. Akusado rin sa karumal-dumal na krimen ang kanyang ama na si Andal Ampatuan, Sr. at mga kapatid na sina Andal Jr at Sajij at 193 iba pa.

Nangangamba sina Mangudadatu na kung sakaling gawing testigo ng gobyerno si Zaldy ay susunod naman ang iba pang Ampatuan at tuluyang hindi nila makamit ang hustisya.

Kabilang ang asawa at dalawang kapatid na babae ni Mangudadatu sa mga pinaslang sa naganap na masaker. Kasama nilang namatay ang 32 mamamahayag.

Sinabing kasama ni Aquino na humarap sa mga biktima ng masaker sina de Lima, Interior Secretary Jesse Robredo, at Presidential Spokesperson Edwin Lacierda.

Nauna nang inihayag ni De Lima na hindi maaaring maging testigo sa masaker si Zaldy habang bukas naman umano sina Robredo at Lacierda na marinig ang mga sasabihin ng suspindidong gobernador.

Kinastigo naman ni Atty Harry Roque, kabilang sa kampo ng tagausig, si Lacierda dahil sa hinala na ito ang nagsilbing “tulay” ng kampo ni Zaldy para sa Malacanang. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply