Luma ang biniling chopper – PNP pilot

INAMIN ng isang piloto ng Philippine National Police (PNP) na hindi brand new ang tatlong biniling helicopter ng ahensya noong 2009 na nagkakahalaga ng P105 milyon.

Ibinulgar ni Supt. Claudio DS Gaspar Jr. na ito ay taliwas sa supply contract at usaping teknikal na itinakda ng National Police Commission (Napolcom).

“Alam kong hindi ito brand-new. Pina-assist lamang kami, yari na ang contract at negosasyon dahil nang suriin namin ang helicopter na ginagawa sa hangar, tapos na po iyon,” ayon kay Gaspar sa kanyang testimonya sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.

Sinabi ni Gaspar, miyembro ng inspection team, na  alam niyang luma ang helicopter na binili ng PNP dahil siya mismo ang nagpapalipad ng naturang sasakyan upang ihatid ang miyembro ng pamilya Arroyo sa kanilang hometown sa Pampanga.

“Sa pagkakatanda ko, madalas ginagamit ito ni (dating First Gentleman) Mike Arroyo,” ayon kay Gaspar.

Makikita umano sa flight manifest ng sasakyan na palagi itong ginagamit ni Mike Arroyo at anak na si Galing Pinoy Rep. Mikey Arroyo.

“Hindi ko pa alam na iyon ang ide-deliver, pero ang alam ko second-hand ‘yun,” aniya. “Sa level ko, hindi naman ako tinanong, hindi ako member ng bids and awards committee, ng negotiating committee.”

Iniimbestigahan ng Senado ang ibinulgar na pagbili ng PNP sa tatlong Police Light Operational Helicopter (PLOH) sa halagang P105 milyon na hinihinalang pag-aari dati ng pamilya ng dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Ayon kay Gaspar, hindi siya kumibo nang isagawa ang pag-iinspeksiyon sa helicopter kahit nalalaman niya na luma ang sasakyan dahil wala silang karapatan o kapangyarihan na magbigay ng sariling opinyon hinggil sa kalagayan nito.

Aniya, sa kanyang pagkakaalam nalalaman ng PNP na luma ang helicopter, ngunit inamin din nitong wala naman siyang papeles na magpapatunay sa kanyang alegasyon.

“May naririnig akong bibili ng helicopter, pero hindi ko naman alam kung ano ang bibilihn, second-hand o brand-new… wala po akong hawak na papeles. Pero sa pagkakaalam ko, alam ng negotiating committee na second-hand ang bibilhin,” ayon kay Gaspar.

Sa kanyang pagkakaalam, ani ni Gaspar, ang naturang helicopter ay pag-aari ni Archibald Legaspi Po, presidente ng Lion Air Inc., ngunit hindi niya alam kung sino pa ang may-ari ng naturang kompanya.

“Lion Air ang may-ari ng helicopter, wala na po akong alam kung sino pa ang may-ari ng Lion Air. Sa pagkakaalam ko ang may-ari ng Lion Air si Mr. Archival,” ayon kay Gaspar.

Kabilang sa sumuri at tumanggap ng naturang helicopter sina Chief Supt. George Piano, Senior Supt. Edgar B. Pataan, Senior Supt. Luis L. Saligumba, Supt. Larry D. Balmaceda at Gaspar.

Ngunit base sa kanilang testimonya, tanging si Gaspar lamang ang personal na sumuri sa helicopter at ang lumagda sa Inspection and Acceptance Report ay sina Piano, Pataan at Saligumba.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply