Expert ‘di kuntento sa SONA ni PNoy

HINDI naging katanggap-tanggap para sa isang political analyst ang laman ng talumpati ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino sa kanyang state of the nation address (SONA) kahapon, Hulyo 25.

Ayon kay Bobby Tuazon ng Center for People Empowerment and Governance (Cenpeg), hindi masyadong naipaliwanag ng Pangulong Aquino kung paano isusulong ang sinasabi nitong “transformation” o pagbabago.

Hindi rin aniya natalakay ang ilang isyung malapit sa sikmura ng ordinaryong mamamayan gaya ng trabaho, mataas na presyo ng mga bilihin, oil price hike at iba pa.

Tahasang inihayag ni Tuazon na hindi totoo ang sinabi ng Presidente na mahigit 100,000 pamilya ang naiahon mula sa kahirapan kada buwan sa tulong ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Sa kabila naman nito ay naging positibo ang reaksyon ng mga senador sa naging nilalaman ng SONA ni Pangulong Aquino matapos ang kanyang isang taong panunungkulan bilang pinuno ng bansa.

Para kay Sen. Miriam Defensor-Santiago, nahimay ng Pangulo ang problema ng bawat ahensya ng pamahalaan at nasimulan ang reporma kaya out of 10 ay nasa 8 ang ibibigay nitong grado sa Pangulo.

Tiwala rin si Santiago sa pagtalaga ni Aquino kay dating Supreme Court Associate Justice Conchita Carpio-Morales bilang bagong Ombudsman na mapabilis ang kampanya ng pamahalaan laban sa kurapsyon.

Para kina Sen. Tito Sotto at Gringo Honasan, may pagbubunga na kung maituturing ang isang taon na panunungkulan ng Pangulo at ang mga pagkukulang nito ay mapupunan sa mga susunod na taon.

Kontento rin si Sotto na may adbokasiya laban sa droga sa naging kampanya ni Aquino laban sa mga drug syndicates.

Ito rin ang pahayag nina Sen. Loren Legarda at Sen. Edgardo Angara. Bagama’t napansin ni Legarda na medyo kulang ang Pangulo pagdating sa pagtutok sa edukasyon, kuntento naman ito sa naging hakbangin ng administrasyon para pangalagaan ang kalikasan.

Pinuri naman ni Sen. Antonio Trillanes IV ang naging pahayag ng Pangulo sa pinag-aagawang Spratly Island sa West Philippine Sea na aniya’y hindi naman naghahamon sa China kundi naninindigan lamang ang pag-aaring isla.

Ikinagulat naman ni Sen. TG Guingona ang natuklasang pagwaldas ng pera sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) na umabot sa P1 bilyon ang ginastos para lamang sa pagkakape sanakalipas na administrasyon.

Una nang tiniyak ng liderato ng Senado na magpapatuloy ang kanilang imbestigasyon sa mga matutuklasang katiwalian sa pamahalaan. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply