Pondo ng PCSO pinamudmod sa kaalyado ni Arroyo

HINDI lamang pera ang umulan sa mga kaalyado ng dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo kundi pati mga ambulansya na pawang galing lahat sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Lumabas sa mga dokumento ng PCSO na 314 mga ambulansya ang naipamigay sa 29 na miyembro ng Kamara at 65 gobernador nitong huling apat at kalahating taon ng Arroyo administration.

Ayon sa PCSO, 73 porsyento ng mga ambulansya ay ibinigay ng walang gastusin sa mga kaalyado ni Arroyo sa kabila ng polisiya ng ahensya na ang mga mabibigyan ng ambulansya ay magbabayad ng 40 porsyento ng halaga ng sasakyan. Ang isang ambulansya ay umaabot ng isang milyon ang halaga.

Ang 29 na mga miyembro ng Kamara ay nakakuha ng mga ambulansya na hindi nagbayad ng 40 porsyento bahagi na naaayon sa polisiya ng PCSO at ang isa pang paglabag ay ang paglalagay ng mga larawan ng mga politiko at pangalan sa mga ambulansya at paggamit sa mga ito sa hindi pang-medikal na dahilan.

Ayon kay PCSO General Manager Ferdinand Rojas II, ang mga datos sa pamimigay ng mga pabuya gamit ang pondo ng PCSO ay halos kapareho din kung paano mamigay ng mga sasakyan para sa mga kaalyado ni Arroyo sa ikalawang bahagi ng kanyang siyam na taong administrasyon.

Napuna ni Rojas,na ang mga mambabatas at gobernador pati na rin ang mga maimpluwensyang lider ng Catholic Bishop Conference of the Philippines na sumuporta kay Arroyo sa kasagsagan ng “Hello Garci” election scandal noong Hunyo 2005 ay binigyan ng pabuya kung saan ilang obispo ang nabigyan ng mga Mitsubishi Pajero. Ben Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply